Editoryal - Tulong sa nilindol
HANGGANG ngayon, patuloy pa ang ginagawang rescue operations sa tatlong bayan sa Negros Oriental makaraang salantain ng magnitude 6.9 na lindol noong nakaraang Lunes na ikinamatay ng 48 katao. Umano’y marami pa ang pinaniniwalaang natabunan ng lupa. Mas lalong naging mahirap ang paghahanap sa mga natabunan sapagkat umuulan naman ngayon sa nasabing lugar at nagkakaroon ng landslides. Mula pa kahapon ay walang tigil ang pag-ulan dahil sa low pressure area. Marami naman sa mga residente ng tatlong bayan — Taysan, Jimalalud at La Libertad ang ayaw nang bumalik dahil natatakot pa sila. Hanggang sa kasalukuyan, nasa isip pa nila ang matinding shock sa lindol. Maraming bahay ang nawasak, nabiyak ang kalsada, natumba ang poste ng kuryente, nabutas ang mga linya ng tubig at wala pang nagbubukas ng tindahan dahil ang palengke ay matindi rin ang pinsala.
Dumaranas ng gutom ang mga residente ng tatlong nabanggit na bayan at umano’y napipilitan nang magnakaw ang ilan para maibsan ang nadaramang gutom. Umano’y pinagnanakawan na ang mga nakaparadang trak na may lamang softdrink. Kaila-ngan nila ang pagkain at tubig. Hindi mailarawan ang nararanasang hirap ng mga residente. Nasa mukha pa nila ang pagka-shock sa lindol at lalo pang tumindi dahil wala silang makain at mainom na tubig.
May mga grupo nang nagbibigay ng relief goods sa mga nasalanta pero kulang na kulang. Mahaba na ang pila ng mga tao pero kinakapos ang kanilang pinamamahaging tulong. Marami pang nakasahod ang kamay pero wala nang maibigay ang grupong namamahagi. Maraming residente ang nagmumura sapagkat hindi pa raw sila nabibigyan ng tulong. Kahit daw bigas at tubig ay okey na sa kanila.
Bakit kaya kaunti lang ang tumutulong sa mga biktima ng lindol? Kung gaano karami ang tumulong sa mga nabiktima ng bagyong “Sendong” ay kabaliktaran naman ngayon na halos magpalimos na ang mga biktima ng lindol. Kawawa naman ang mga taga-Negros na umaasang makakarating din ang tulong sa kanila.
Kung bumaha ang tulong sa mga binagyo, dapat bumaha rin ang tulong sa mga nilindol. Kawawa rin sila. Nangangailangan din sila kaya dapat na agarang tulungan.
- Latest
- Trending