TULAD ng inaasahan mula pa lamang sa Day 1 ng Impeachment Trial, dumulog na sa Kataastaasang Hukuman ang kampo ni Chief Justice Renato C. Corona. Never na nawalan ng kontrobersiya tungkol sa mga purely legal questions sa bawat araw ng paglilitis. At makikita naman na ang mga desisyon ng Senate Impeachment Court ay halos equally divided sa prosecution at defense. Ilan lamang sa mga tinalakay na issue ay Subpoena of Corona’s family, ang implikasyon ng revocation of Corporate license sa kapangyarihang magpautang ng isang kompanya, ang tamang pag-intindi sa Articles of Impeachment at ang pagtanggap ng ebidensya sa ill-gotten wealth, at iba pa.
Mayroon ding mga tanong na hindi pa rin nasasagot hanggang sa ngayon tulad ng standard o quantum of proof (kung beyond reasonable doubt o preponderance lamang) at kung dapat bang isakop sa reklamo ang mga akto ni Corona nang ito’y Associate Justice pa lamang. Ngayon ay nakabinbin ang kuwestiyon ng pag-subpoena sa foreign bank accounts.
Dahil dito ay nagiging higit na interesado ang mga abogado at mag-aaral ng batas sa mga pangyayari sa Senado. Dumarami tuloy ang boses at opinyon sa kung dapat lang na makilahok na rin sa usapan ang Supreme Court, lalo na’t may mga mamamayan, kabilang na ang Chief Justice, na hinihingi na sila’y pumagitna.
Dapat nga bang makialam ang Supreme Court na maaring magresulta sa pagresolba ng mga usapin na taliwas sa desisyon ng Impeachment Court lalo na’t ang mismong miyembro nito ang nasasakdal?
Nasagot na ito sa kaso ni Chief Justice Hilario Davide noong siya naman ang inimpeach ng House dahil sa mga paratang ng anomalya sa kanyang paghawak ng Judiciary Development Fund. Sa pasya ng noo’y Associate Justice Conchita Carpio Morales, kinilala na katungkulan ng Supreme Court dala ng papel nitong ginagampanan bilang tagapaglinaw ng Batas na pumagitna kahit pa mismong pinuno nito ang nasasakdal. Ito’y dahil mismong ang Saligang Batas ang nagbigay sa Hukuman ng papel na ito. Kaya’t kung ito’y makialam ay ginagawa lang ito ayon sa kagustuhan na rin ng taumbayan.