'Operation Riptide'
HINDI naging madali para sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region IV-B na pasukin ang isang liblib at tagong lugar sa Oriental Mindoro.
Higit dalawang buwan trinabaho ng PDEA-IVB ang Barangay Paclasan sa Roxas, Oriental Mindoro dahil sa pagiging notoryus nito sa drug trafficking, gun smuggling at gun for hire.
Sa intel ng PDEA-IV B, transient point ng iligal na droga tulad ng shabu ang Barangay Paclasan. Ang mga kontrabando, mula pa sa probinsiya ng Cavite at Batangas.
Patagong ibinibiyahe raw ang mga droga mula sa Batangas Port kung saan isinasabay ito sa mga trak ng gulay at prutas sakay ng Roll-on-Roll-off o RORO papunta sa Bgy. Paclasan.
Dito na inire-repack ang mga droga saka ititinda sa ilang karatig-barangay at bayan ng Roxas, Oriental Mindoro. Ito rin ang pinanggagalingan ng shabu papasok ng isla ng Caticlan, Boracay.
Ang mga suspek na nasa likod ng talamak na bentahan ng droga na naging subject ng PDEA sa kanilang surveillance-undercover, mga magkakamag-anak at magkaka-pamilya lamang.
Bumiyahe pa pa-Maynila ang mga operatiba ng PDEA-IV-B upang makapag-apply ng search warrant nang maiwasan ang timbrehan.
At nitong nakaraang Sabado, Pebrero 4, alas singko y media ng madaling araw, eksklusibong BITAG ang naimbitahang magdokumento ng mapanganib na operasyon, matagumpay na nalusob ang nabanggit na lugar.
Dahil itinayang high risk ang operasyon, idinagdag sa puwersa ng PDEA IV-B ang kanilang elite group, ang Special Enforcement Services o PDEA-SES, Mindoro Oriental Provincial Police o MORPO at 2nd Division ng Philippine Army.
* * *
Abangan mamayang alas 10:15 ng gabi sa TV5 ang unang bulusok na drug operation ng BITAG para sa taong 2012 sa sulok na parte ng Pacific Ocean!
- Latest
- Trending