'Ilalaban ko na lang'

PARANG nagpabanat ng mukha itong si Jhenny. Teka…bumata siya. Maaliwalas ang mukha, hindi na tensiyonado’t hindi na problemado si Jhenny Blanco ng Caloocan City.

“Para siyang binalatang palaka…” at “Good luck sa inyo! Kanya-kanyang karma lang yan!” ilan sa mga matatas na linya ni Jhenny.

Ito ang tumatak sa mga tagasubaybay ng CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) at ng aming pitak sa PSNGAYON.

Mga babaeng palaban. Isa si Jhenny diyan. Mga babaeng iniwan subalit lumaban.

Sa isang pagbabalik tanaw, una naming nakapayam sa radyo si Jhenny buwan ng Hulyo 2011. Nirereklamo niya ang asawang si Randel Reich Anthony B. Blanco taga-Baguio City. Ang umabandona sa kanilang mag-ina.

Dalawang taon na ang anak nila Jhenny at Randel at hanggang ngayon, hindi pa din magawang sustentuhan nitong mister. Maliban pa rito ay nambabae rin umano si Randel.

“Bumaba lang ako ng Baguio nag-girlfriend na agad siya. Tapos pinabayaan na lang niya ang anak ko! Ganun-ganun na lang!” sabi ni Jhenny.

Tinulungan namin si Jhenny, magsampa ng kasong violation of Sec. 5 of R.A 9262 (Anti-violence Against Women and Children) sa Prosecutor’s Office ng Caloocan City.

Nakitaan ng ‘probable cause’ ng taga-usig ang kaso. Nalabasan na ito ng resolusyon.

Ika-17 ng Oktubre nang ibaba ang ‘warrant of arrest’ para kay Randel ni Presiding Judge Raymund G. Vallega ng Regional Trial Court, Branch 130-Caloocan City.

Ang piyansa ay nagkakahalaga ng Dalawampu’t Apat na Libong Piso (Php24,000).

“Kung ayaw niyang magsustento mabulok na lang siya sa kulungan!” wika ni Jhenny.

Ika-11 ng Nobyembre 2011, isang magandang balita ang nakarating kay Jhenny. Sumuko mismo ang kanyang asawa na si Randel sa kapulisan.

Sa tulong ng Baguio Criminal Investigation and Detection Group, nila PO3 Marcelino Bunigil at Chief Inspector Julieto Culili, nakatunog si Randel na pinaghahanap siya ng mga pulis at siya na ang sumuko.     

“Gabi-gabi siyang naghahanap. Hindi tumitigil. Kung saan-saan’yan nag-background check. Hanggang sa umabot pa nga siya sa Lepanto Mines. Bunduk-bundok na halos doon pero pinuntahan pa din niya.” ayon kay Chief Inspector Culili.

Nung una, nagtago pa itong si Randel subalit nang mapagod, lumabas siya at nagbayad ng bail sa korte.

Naalala pa ni Jhenny kung paano siya halos manlimos dito kay Randel. Sinubukan niyang kausapin ng maayos ang asawa para sa sustento nito sa bata. Hindi naman daw umobra.

Nanghingi din siya ng sustento, gamit ang facebook (fb) subalit wala pa rin. Ang tanging naging sagot ni Randel, “Kung hindi mo kayang buhayin ang anak natin, ibigay mo na lang sa akin!”.

Mas pinanggigilan ng Jhenny ang sagot ng asawa kaya’t tinuloy na niya ang pagkaso. 

“Hindi na nga siya nagsusustento… kukunin niya pa ang anak namin? Okay lang siya?” pahayag ni Jhenny.

Magpadala man daw si Randel ng tulong nabibilang lang naman daw ito sa kamay.

“Una niyang padala, isang libo lang. Tapos nung humingi ako ng dagdag na tulong, ang pinadala lang ay dalawang kahon ng gatas at isang pack ng diapers. Ano ba naman iyon?” wika ni Jhenny.   

Sa ngayon ay umuusad na ang kaso at sa Caloocan City Family Court gaganapin ang paglilitis. Dahil ito’y violation of R.A 9262 at ang pinag-uusapan dito ay ang kapakanan ng isang paslit na dalawang taong gulang kaya sa isang Family Court dapat dinggin ito.

 Sumuko na si Randel matapos ilabas ang kanyang ‘warrant of arrest’. Desisyon ng korte na lang sa ngayon ang hinihintay.

Nitong ika-6 ng Pebrero 2012, nagpuntang muli sa aming tanggapan si Jhenny.

Dala ni Jhenny ang Order ni Presiding Judge Vallega kung saan nakalagay ang detalye ng pag-‘cash bond’ ni Randel nung ika-11 ng Nobyembre 2011 sa RTC, Baguio. Ito ay aprubado ni Hon. Iluminda P. Cabato, Executive Judge. Dahil dito, nakatakda nang basahan ng demanda (arraign) ang akusado ngayong darating na Pebrero 13, 2012. Ganap na 1:30 ng hapon.  

Nakarating kay Jhenny na nag-‘entry of appearance’ ang abogado ni Randel. Hindi malaman ni Jhenny ang legal na hakbang na maari niyang gawin kaya’t bumalik siya sa aming tanggapan.

“May laban po ba ako? Sino po bang magiging abogado ko?” nangangambang tanong ni Jhenny.

Pinaliwanag namin kay Jhenny na ang Prosecutor mismo ang tatayong abogado niya sa labang ito. 

Tinawagan namin ang RTC, Branch 130, Family Court ng Caloocan. Nalaman namin na si Prosecutor Victoria Carina Latosa ang na-assign para sa case ni Jhenny.                

Sa kasalukuyan, hindi na nag-uusap pa sina Jhenny at Randel. Wala na siyang ibang hinahabol pa sa asawa niya kundi ang karapatan ng kanyang anak.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung titignang mabuti ang malaking pera ang inilalabas ni Randel nung naglagak siya ng pinyansa na Dalawampu’t Apat na Libong Piso. Dapat inilagay na lang niya sa banko at ibinigay sa kanyang anak.

Maliban pa riyan, kada-patawag ng korte, mula Baguio kaila­ngan niya pang bumaba at pumunta sa Caloocan. Idagdag niya rin ito e di magaan pa ang kalooban niya at sa paglaki ng kanyang anak kikilalalin ang sustentong ibinigay niya para sa kinabukasan nito.

Maaaring ‘pride’ ang pinaiiral nitong si Randel pero saang halaga? Isinusugal mo ang bukas ng iyong anak?

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong sinabi na sa isang hiwalayan walang panalo o talo. Meron lamang biktima at ito ay ang mga walang kasalanang anak. Naiipit sa mga matitigas na ulo ng kanilang mga magulang.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL). Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 / 09198972854. Ang ­aming Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari kayong magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig mula Lunes-Biyernes

* * *

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments