Drama
ANG universal symbol ng drama ay ang magkakambal na maskarang comedy and tragedy. Isang tumatawa, isang lumuluha. Tulad ng Yin and Yang ng mga bansa sa Asia, ang tragedy/comedy ang magkabilang pisngi ng mukha ng ating pagkatao.
Ang nagtutunggaling panig ay sinasalamin din ng lahat nang mabibigat na usaping panlipunan. Sa bawat mahalagang isyu, may nagbabanggaang posisyon.
Makikita ito sa impeachment trial. May prosekusyon, may depensa. Bawat argumento ay may kontra argumento. Maging ang mga batayang prinsipyo na bukambibig ng isa ay mayroong katapat ding batayang prinsipyo sa kabila. Judicial accountability versus judicial independence. Transparency vs. stability of banking system. Karapatan ng lipunan laban sa karapatan ng mamamayan.
Nakasaad sa Saligang batas ang katungkulan ng Senado, ang sole power to try and decide impeachment cases. To try and decide: nangangahulugan na may isang hukuman na didinig sa magkabilang panig at magpapasiya batay sa mga ebidensyang prinisinta. Kahit hindi ito Court of Justice, ito’y hukuman pa rin. Ibig sabihi’y sa impeachment trial ay may papagitna sa dalawang panig at hahatol. At hindi laging may mananalo at may matatalo. Hindi ito desisyon ng tama at mali. Ang hukuman ay may sapat na kapangyarihan na mamili ng isang mananalo subalit maari rin itong magpasiya sa paraang magpapanatili ng magandang balanse sa nagtutunggaling interes. Kahit ang kahulugan nito’y walang matatalo.
Dapat na unawain ng mabuti ang mga konseptong ito sa pagsubaybay natin hindi lamang sa impeachment kung hindi rin sa mga kaganapan sa pamahalaan. Laging may dalawang panig sa isang usapin na mas magandang pakinggan muna bago magbuo ng opinyon. At hindi lang lagi panalo o talo ang posibleng kalabasan ng isang pagsubok dahil may mga pagkakataon kung saan magiging mas kapaki-pakinabang para sa lahat ang posisyong pumapagitna sa dalawang panig.
Ganyan ang drama ng impeachment trial. Sa iba’y trahedya, sa iba nama’y komedya. Walang kinaiba sa buhay ng bawat isang Pilipino.
- Latest
- Trending