“HINDI ko akalain na may pinsan pala si David Copperfield dito sa Bureau of Customs.”
Ito ang pahayag ni Presidente Noynoy Aquino sa ika- 110 taong anibersaryo ng Bureau of Customs kamakailan.
Si Copperfield ay isang kilalang madyikero sa Amerika na nagagawang paglahuin kahit na kotse sa isang iglap. Nagpatutsada ang Pangulo sa mga taga-Customs na may kagagawan sa pagkawala ng may 2,000 container vans sa panahong hindi pa nauupo si BoC commissioner Ruffy Biazon.
Hindi pa nagtatagal sa puwesto si Biazon at inaamin niya na mahirap ang kanyang tungkulin sa pagsugpo ng katiwalian sa BoC. Malalim na kasi ang ugat ng korapsyon dito. At kapag ang mga nagpapasok ng kalakal ay nakikipagsabwatan din sa mga taga-Customs para umiwas sa pagbabayad ng buwis, talagang mahirap masugpo ang ganyang klase ng katiwalian. Ngunit sa maikling panahon ng panunungkulan ni Biazon, iniulat niya na umabot sa P256 bilyon ang nakulektang revenue ng ahensya sa pagtatapos ng 2011 na lumaktaw pa sa koleksyon noong 2010. Congrats and keep up the good work.
Tinukoy ni P-Noy ang nawalang P40 bilyon sa kaban ng pamahalaan dahil sa oil smuggling na aniya’y nakapagtayo sana ng mga tahanan para sa mga sundalo at pulis at iba pang programa ng gobyerno.
Sa tuwing mangangailangan ng pondo ang gobyerno, madalas ay nagpapatupad ito ng mga bagong buwis na di naman kailangan kung sadyang mapagbubuti lang ang tax collection.
Kahit magtaas pa nang magtaas ng buwis, kung hindi mapuputol ang kawalanghiyaan ng mga corrupt sa gobyerno ay taumbayan lagi ang magdurusa.
Ang nakalulungkot, may mga kawani sa mga ahensyang dapat mangilak ng revenue na kahit mababa ang suweldo ay nagda-drive ng Porche at nagrerelo ng Rolex tulad ng mga multi-milyonaryo. Pero sa tingin ko, determinado si Presidente Aquino na tapyasin na ang sungay ng mga ito.