Editoryal - Lindol naman
HINDI pa nakababawi ang mga binaha sa Cagayan de Oro City at Iligan City sa Northern Mindanao, lindol naman ang sumaklot sa Visayas kahapon ng alas-onse ng tanghali. Ayon sa Phivolcs, nasa magnitude 6.9 ang tumamang lindol sa Negros Oriental. Sa pinakahuling report, nasa 12-katao na ang patay at mahigit sa 20 ang nawawala.
Maraming nasirang building at mga tulay. Nag karoon ng crack ang mga eskuwelahan. Ang mga estudyante ay nagmamadaling lumabas ng shool building dahil sa takot na maguho. Maraming empleyado ng banko at mga mall ang nagmamadaling lumabas sa kani-kanilang mga building.
Ayon pa sa report, nasa 30 bahay ang pinaniniwalaang natabunan nang magkaroon ng landslide. Karamihan sa mga namatay ay dahil sa pagguho ng lupa.
Tiyak na isusulong na naman ang pagkakaroon ng earthquake drill ngayong nagkaroon nang malakas na lindol. Tuwing magkakaroon ng mga kalamidad gaya ng lindol, saka lamang naiisip ng mga opisyal na magkaroon ng mga drill. Katawa-tawa na kung kailan meron nang mga nasira ang lindol, saka magkakaroon ng mga drill. Kapag lumipas na ang isyu, mawawala na rin ang mga dinadaos na drill. Ningas kugon lamang ang marami. Hindi na nakapagtataka na dahil sa kawalan ng kasanayan, marami ang napapahamak.
Ang paglindol sa Negros Oriental at marami pang lugar sa Visayas ay dapat makapagmulat sa mga opisyal ng gobyerno. Ang nangyari sa Visayas ay maaaring maulit. Sosorpresahin na lamang ang mga tao at huling-huli sila. Kung kailan hindi nakahanda, saka sasalakay ang mga kalamidad at iba pang salot sa bansang ito.
Ipagpatuloy ang earthquake drill para maihanda ang mamamayan sa darating na pagyanig. Kung may sapat na kaalaman ang mamamayan, partikular ang mga estudyante, makakaiwas sila sa kamatayan na kadalasang nangyayari kapag naguho ang school building. Hindi na dapat hintayin pang lumindol muna nang malakas bago magsagawa ng drill.
- Latest
- Trending