Mahalagang babala

SA kabila ng isang klerk ng Customs na kumikita ng P10,000 kada buwan na nakakabili ng Porsche at imported na baril, matinding hirap naman ang nagiging dahilan kung bakit marami na ang nauuwi sa krimen para lang makaraos sa pang-araw-araw. Totoo nga ang napupuna ni Professor Clarita Carlos ng UP, na ang kriminalidad ay tumataas at maaring mauwi sa anarkiya o kawalan ng pagsunod sa batas.

May mga kadahilanan sa pahayag ni Carlos. Malawakang paghihirap, iligal na droga, kawalan ng respeto sa batas at kawalan na rin ng pag-asang maangat sa kahirapan. Sa madaling salita, wala nang mapuntahan kundi krimen. At dahil wala na ring respeto sa batas, dahil na rin sa madalas na pagkakasangkot ng mga pulis at sundalo sa krimen, nilalabag na lang ang mga ito. Wala nang sasama pang sitwasyon sa anarkiya. Kapag nalusaw na ang batas at pagsunod dito, kanya-kanya na ang mangyayari. Di ko maisip ang ganung klaseng eksena sa Metro Manila, o sa buong bansa!

Kaya mahalaga na mabago ng PNP at AFP ang kanilang imahe. Na sila’y magpapatupad ng batas, kapayapaan at katahimikan para sa kaligtasan ng lahat. Hindi puwede yung sila mismo ang nasasangkot o nasa likod ng mga krimen. Kailangan nila ilagay ang takot sa mga kriminal na gagawin nila ang lahat para mahuli ang kriminal. Ganundin ang PDEA at iba pang ahensiyang nilalabanan ang pagkalat ng iligal na droga. Maraming krimen, katulad na rin ng naganap sa loob ng UP, ang ginagawa ng mga lulong sa droga. Tanggalin ang iligal na droga, mawawala na ang mga krimen na ito.

At para naman sa gobyerno, kasama na ang mga mambabatas ng bawat distrito, kailangan nang mas maraming makabuluhang proyekto para labanan ang kahirapan at maginhawahan ang buhay ng mga mahihirap. Hindi yung mga waiting shed, mga basketball court, multi-purpose hall at kung ano pang mga papogi lamang na proyekto! Kailangan edukasyon, kalusugan, at trabaho. Kapag nagawa iyan, madali nang sumunod ang ibang proyekto. Pinaka-mahalaga ang edukasyon. Kapag may edukasyon na ang isang tao, mas malinaw na ang pag-iisip, mas nasa batas na ang hangad. Sino ba ang may gusto ng gulo? Sino ba ang hindi gusto ang kapayapaan?

Show comments