NABULABOG ang Station 12 ng Quezon City Police District sa Eastwood Libis, nang magsumbong sa BITAG ang isa nilang biktima ng illegal arrest at body search.
Ang mga sangkot, mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs o SAID at mismong station commander ng Presinto Dose sa Eastwood, Quezon City.
Sa salaysay ng biktimang buntis na si Anna, Enero 16 ng taong ito, alas dos ng hapon, galing umano siya sa Muntinlupa City Jail upang bisitahin ang kanyang asawa ng bigla siyang dinampot ng mga pulis ng SAID ng Station 12.
Habang nakasakay sa traysikel, kasama ang kaniyang dalawang taong gulang na anak at isa pang babeng nakasabay na dumalaw sa Munti, sapilitan silang isinakay sa isang puting van ng mga pulis.
Wala daw sinabing dahilan ang mga pulis kung bakit siya hinuli. Mula Muntinlupa, idiniretso ang biktima sa Station 12 sa Eastwood, Libis Quezon City.
Pagdating sa stasyon ng pulis, dinala siya sa confe-rence room na nasa mismong tanggapan ng hepe na si Col. Zacarias Villegas.
Habang umiiyak sa loob ng conference room, nakita umano siya ni Col. Villegas at ang anak nito na umiiyak din noong mga oras na ‘yun.
Ang siste, hindi man lamang daw tinanong ang kaniyang mga tao kung bakit siya nandun at ano ang kaniyang kaso.
Sa mismong conference room ni hepe, isinagawa ang finger printing at mug shot sa kanya ng hindi pa rin sinasabi kung ano ang kaniyang asunto bakit siya inaresto.
Hindi pa rito natapos ang kaniyang kalbaryo, ibinaba siya sa Ground Floor sa tanggapan ng Women’s and Children’s Division.
Dito isinagawa ng isang babaing pulis ang body search sa kanya sa harap mismo ng dalawang taong gulang niyang anak.
Pagkatapos kapkapan ng hubo’t hubad upang umano’y hanapan ng ebidensiya, hindi pa raw nakuntento ang mga pulis SAID ng Station 12.
Kinuha pa ng mga ito ang kanyang passport at P5,000 na kanyang iniipon para sa kanyang panganganak.
Nang harapang kumprontahin ng BITAG ang station commander ng Station 12 ng Eastwood Quezon City, umamin itong pinirmahan niya ang pre-operational plan na drug operation umano sa araw na dinukot ang biktima.
Ang mga pulis SAID na sangkot sa kasong ito…abangan sa huling bahagi ng kolum.