EDITORYAL - Kailan malilipol ang mga corrupt sa Customs?
MARAMING corrupt sa Bureau of Customs. Hindi nababawasan kundi dumadami pa. Kahit na nagbanta si Customs Commissioner Rufino Biazon na wawakasan na ang pamamayagpag ng mga magnanakaw doon, patuloy pa rin sila at tila walang kinatatakutan. Hindi nasisindak kay Biazon ang mga corrupt sa Customs.
Si President Aquino ang naglagay kay Biazon sa Customs kaya nararapat na hindi ito mabigo sa kanya. Kilala si Aquino sa kanyang tatak na “tuwid na landas” at “kung walang corrupt, walang mahirap”.
Maraming nakakaligtaan si Biazon at isa na rito ay ang pamamayagpag ng mga corrupt niyang tauhan. Imbestigahan niya ang kanyang mga tauhan na kaduda-duda ang “estilo ng pamumuhay”. Kung gusto ni Biazon na maiangat ang pangalan ng Customs at mawala sa paningin ng taumbayan na pinaka-corrupt na ahensiya, simulan niyang imbestigahan ang sariling tauhan. Walang ibang sumisira sa Customs kundi ang sariling empleado at mga opisyal. Maraming corrupt na empleado na dapat nang kalusin ni Biazon.
Isa sa dapat niyang unahing kalkalin ay ang kanyang tauhan na si Paulino Elevado, isang clerk na suspek sa pamamaril sa dalawang estudyante at pambubugbog sa mga ito. Umano’y hinabol ni Elevado sakay ng kanyang puting Porsche ang Innova ng mga estudyante makaraang masagi ng mga ito ang kanyang sasakyan. Nang abutan, binugbog ni Elevado at kasama nito ang dalawang estudyante. Nakatakas lamang ang mga estudyante nang kunin umano ni Elevado ang baril nito. Nagsumbong sa pulis ang mga biktima.
Nakapagtataka kung paano nakabili ng ma-mahaling sasakyan si Elevado gayung isang clerk lamang ito. Dapat halungkatin ni Biazon ang record ni Elevado para malaman ang katotohanan. Nakapagdududa ang kanyang katayuan sa buhay at maaaring “likong landas” ang kanyang tinutungo.
- Latest
- Trending