Ang kalungkutan ko’y napapawi lamang
kung nagugunita kahapong nagdaan;
Noon ay buhay pa mabait kong inang
at ako’y alaga sa gabi at araw!
Kapiling pa noon ang mga kapatid
malayo man sila ay nagkakalapit;
Lalo na kung Pasko’t panahong mainit
sama-sama kaming papunta sa bukid!
Palibhasa’y bunso ako’y akay nila
patungo sa nayong daa’y makitid pa;
Sa mga pilapil kami’y pila-pila
sa bawa’t paghakbang kasunod si Kuya!
Noon ay wala pang taong mararahas
na nagiging hadlang sa tuwid na landas;
Wala pa rin noong nagkalat na ahas
kaya sa paglakad wala kaming gulat!
Sa dulo ng landas may isang tahanan
doo’y naghihintay sina t’yong at t’yang;
Sila ay may handa pagkaing mainam
may tsiko’t mangga pang pauwi kay Inang!
Sa naturang bahay sa gitna ng bukid
mga kapitbahay ay nakapaligid;
Sila’y masaya rin kaya parang piknik –
kaina’t tugtugan, may tula at awit!
Dahilan sa ako’y natutong tumula
sa aking pagbigkas sila’y natutuwa;
Naglalagay sila ng bangkito sa gitna
pagtayo ko roon sila’y natutuwa!
Namatay si Ina at limang kapatid
kaya ang ligaya’y malayong magbalik;
Di ko na madalaw ang naturang bukid
ang magtungo roon ngayo’y mapanganib!
Mga araw yaong sa aking gunita
nagbibigay aliw sa pangungulila;
Kaya ang tanong ko’y babalik pa kaya
ang kaligayahang nasa puso’t diwa?