MAY nakikita rin namang buti sa pagkakahuli kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas habang bumibili ng mga piniratang DVD. Nakita na kakaunti ang ngipin (o bungal) ang Optical Media Board (OMB) laban sa mga namimirata. Walang sapat na lakas para ipatupad ang anti-piracy law. Hindi lubos ang kanilang kakayahan para basagin ang mga gumagawa at nagbebenta ng mga piniratang DVD. Ang nakapagtataka lang ay parating ipinagmamalaki ng OMB sa kanilang press releases na pilay na at wala nang kakayahan ang mga namimirata ng DVD. Palabas lang ba ito para masabing nagtatrabaho ang OMB na pinamumunuan ni Ronnie Ricketts?
Pawang sa mga mall na ngayon itinitinda ang mga pirated DVDs at dito nga naispatan si Llamas na umano’y mahigit sa P2,000 ang halaga ng pinamili. Ang mall na iyon sa Congressional Avenue na kinahulihan kay Llamas ang bagong santuwaryo ng mga namimirata.
Ngayong bistado na doon pala sa mall na iyon maraming pekeng DVD, bakit hindi pa magsagawa nang pagsalakay ang pinamumunuan ni Ricketts? Huwag nang mag-concentrate sa Quiapo ang OMB sapagkat wala nang gaanong nagbebenta ng DVD doon. Ang mga mall ang puntiryahin dahil dito namumugad ang mga namimirata. Hindi naman magkakalakas ng loob ang mga namimirata kung wala silang ipinagmamalaki kaya nararapat na magkaroon nang masusing pagsubaybay ang OMB. May pondo naman ang OMB kaya walang dahilan kung bakit hindi nila matitiktikan ang mga namimirata.
Ginawa ang anti-piracy law para madurog ang mga namimirata. Paigtingin ang pagpapatupad sa batas. Huwag nang hintayin na kaya nabu-king ang mga tindahan ng DVD ay dahil nahuling namamakyaw ang isang opisyal ni President Aquino.