Iwasan na ang ilang lugar sa Mindanao!
PAANO naman maitutulak ang turismo sa Mindanao, kung ganyan naman ang ginagawa ng mga taga-Mindanao sa kanilang mga turista? Isang Dutch at isang Swiss at kanilang guide ang kinidnap ng mga armadong kalalakihan habang kumukuha sila ng retrato ng mga bihirang ibon sa Tawi-Tawi. Hinarang ang kanilang bangka, iniwan ang mga kasamang pulis at konsehal, at tumakas patungong Panglima Sugala. Nakatakas ang Pilipinong guide. Ngayon, sakit na naman ng ulo para sa lokal na pamahalaan ng Mindanao, ng gobyerno at buong bansa!
Dapat siguro ipagbawal na ang mga dayuhang turista na pumunta ng Mindanao, para wala na lang makikidnap ang mga kriminal doon. Kung naglalabas na rin lang ang mga ibang bansa ng mga babala ukol sa pagpunta sa Mindanao, o sa Pilipinas pa nga, sa kanilang mga mamamayan, bakit hindi na lang natin sundin? Ang United Kingdom ay naglabas kaagad ng babala sa kanilang mga mamamayan na huwag magtungo sa Mindanao. Alam ng mga otoridad na ang mga dayuhan ang target ng mga kriminal na ito, kaya bakit kinukunsinti pa ang pagpunta sa mga liblib na lugar kung saan alam na may mga rebelde o kriminal na aktibidad? Katulad ng dalawa na sa bangka pa nakasakay at sa Tawi-Tawi pa! Wala ring nagawa ang kasamang pulis para protektahan sila.
Dapat may mas malaking papel ang Department of Tourism sa pagkilos ng mga dayuhan sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao. Hindi sila dapat pinapayagang magpunta sa mga kilalang masasamang lugar, para hindi mapahamak. Dalawang dayuhan na ang kinidnap at pinatay noon ng Abu Sayyaf — sina Guillermo Sobero at Martin Burnham. Hindi natin kailangan ng ganyang klaseng larawan para isulong ang turismo sa Pilipinas! Huwag naman sana umabot sa Puerto Princesa ang aktibidad ng mga rebeldeng kriminal sa Mindanao, ngayong sisikat na nang husto ang underground river nito, dahil napabilang sa pitong natural wonders sa mundo.
Mabuti na lang at walang shooting ang “Bourne Legacy” sa Mindanao! Baka kung ano pa ang nangyari sa mga arista at tauhan nito. Sayang talaga ang bahagi ng bansang ito. Kung mawala lang ang mga terorista na kumalat na sa Mindanao, napakaganda sana talaga. Palaging ganun na lang kapag Mindanao ang pinag-uusapan. Puro sayang ito, sayang iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit tila ayaw ng kapayapaan at progreso ang ilang lugar sa isla. Mga lugar na dapat iniiwasan na ng lahat! Mga lugar na may mga terorista!
- Latest
- Trending