AMEN. Nagsalita na si Presidente Aquino na hindi niya sisibakin si Presidential Political adviser Ronald Llamas, ang cabinet official na naaktuhang namamakyaw ng piniratang DVD sa QC.
Aniya may tiwala pa rin siya kay Llamas at nagagampanan nito ang tungkulin niya bilang tagapayong politikal ng Pangulo. Buweno, Pangulo na ang may sabi kaya bow tayo riyan ano man ang personal nating damdamin sa isyu.
Ngunit sinabi naman ng Pangulo na hindi nangangahulugan na di papatawan ng sanction o parusa si Llamas pero hindi sinabi kung anong parusa. Hindi na mahalaga iyan.
May mga bigating tao naman na kumampi kay Llamas gaya ni dating Presidente Joseph Estrada na nagsabing hindi naman nagnakaw si Llamas. “Bumili pa nga eh,” aniya.
Sabi naman ng mga kaparian, dapat si Llamas mismo ang kusang magbitiw sa tungkulin.
Okay. Tagisan lang naman ito ng opinion at nagkataon na ang opinion ko ay dapat sibakin si Llamas na mismong ang Pangulo na ang nagsaisantabi.
Pero sana huwag maliitin ang isyung ito. Ipuwera na natin sa usapin si Llamas kundi mag-focus tayo sa kampanya laban sa pagnanakaw ng intellectual property.
Malaking halaga ang nawawala sa industriya ng musika at pelikula dahil sa illegal na industriyang ito. Imbes na manood sa mga sinehan ang tao o bumili ng mga legally produced DVDs, kuntento na sila sa pagbili ng pirated na mura kahit pa medyo patalun-talon kung minsan.
Sa isang banda, parang ayuda ito sa mga mahihirap na may karapatan ding maglibang. Pero sa mas malalim na pagsusuri, isang lehitimong industriya na nakatutulong sa ekonomiya ang apektado. Dagok ito sa mga singers, musicians, artista sa pelikula, director, stuntmen at iba pang manpower sa entertainment industry.
Hindi mapigil ang piracy dahil may merkado, at ang paraan para masupil ito ay wasakin ang pamilihan. Ibig sabihin, gawin ding illegal ang pagbili ng mga ninakaw na intellectual property.
Sana’y mapagtuunang pansin ito ng mga mambabatas. Wala kasi akong makitang pagkakaiba sa direktang pagnanakaw ng mga kalakal sa pagnanakaw ng mga intellectual property tulad ng mga softwares, musika at pelikula. May pananagutan ang gobyerno na protektahan ang lahat ng legal na industriya.