Ang pinaka-malaking kumpanya sa mundo

GOOGLE ang pinaka-malaking info-tech company sa mundo. Naa-access sa pamamagitan nito ang sari-saring webpage, litrato, video at e-mail service na ginagamit ng daan-milyong tao sa lahat ng kontinente. Meron itong 20,223 empleyado sa iba’t ibang bansa, at nakakatanggap ito ng aplikasyon sa trabaho tuwing 25 segundo, at mula rito ay nagha-hire ng siyam na bagong empleyado kada araw.

Sa Mountain View, California, ang headquarters ng Google. Para makatipid sa kuryente, isang higanteng solar panel system ang nakakabit sa bubungan ng dambuhalang gusali nito. Sa laki ng gusali, kasya i-display sa reception area ang full-size replica ng Spaceship One, ang pang­turistang rocket ng Virgin Atlantic.

Maalaga sa empleyado ang Google. Meron itong modernong gym kung saan nagpapagpag sila ng stress at sobrang timbang. Kasama riyan ang exercisers, lockers at showers, at in-place wave swimming pools.

Para madali ang paglakad ng mga empleyado sa ma­laking complex, merong slides at jump poles (tulad ng sa bumbero) sa gilid ng mga hagdanan. Maaring magpaka-bondat nang libre ang mga empleyado sa mga kantina na pinamamahalaan ng in-house chefs.

Bawat silid ay may apat hanggang anim na “Zooglers”, at bawat Zoogler ay may di-bababa sa dalawang monitors. Sa corridors ay merong mga idea boards, para agad pagsulatan ng mga empleyado ng kanilang naiisip. Nagkalat din ang billiard tables, massage chairs at videogames.

Kung sira ang computer o communication gadget ng empleyado, maari itong dalhin sa anuman sa maraming repair centers sa complex. At siyempre marami ring libraries para makapag-research.

Halaw sa Internet

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments