NOBYEMBRE ng taong 2011, lumapit sa tanggapan ng BITAG ang ilang biktima ng illegal body search ng mga pulis ng Presinto Kuwatro ng Caloocan.
Ang mga biktima, pare-pareho ang storya, bigla na lamang hinaharang ng isang grupo ng mga pulis at ilang sibilyang indibidwal. Mayroon ding alpha o asset na nagtuturong sila daw ang mga subject.
Walang warrant, walang naganap na operasyon o surveillance sa kanilang subject, basta na lamang dinukot ang mga biktima at dinala sa presinto kuwatro.
Sa presinto, dito isinagawa ang walang pakundangang pagpapahubo’t-hubad sa mga biktima upang kapkapan at hanapan umano ng kanilang itinatagong droga.
Ang prosesong ito ay tinatawag na body search. Mga arestadong suspek lamang ang isinasailalim sa body search upang mailabas ang mga ebidensiyang itinatago sa kaniyang katawan katulad ng droga.
Kapag pinag-hubo’t-hubad ang isang suspek upang hanapan ng ebidensiya, tinatawag itong strip search.
Kapag pinaghubo’t-hubad, pinatuwad at binusisi ang lahat ng butas sa katawan, eto ang body cavity. Hindi basta-basta isinasagawa ang body search sa isang suspek.
Ayon kay Col. Jose Duenas, hepe ng Isumbong mo Kay Chief PNP sa Campo Crame, hindi puwedeng i-body search ang isang indibidwal kapag hindi ito inaresto.
Hindi basehan ang suspetsa o hinala na “baka” may itinatagong droga ang isang tao para isagawa ang body search.
Kinakailangan ay sa bisa ng warrant, entrapment, buy bust o drug operation at warrantless arrest o naaktuhang ginagawa ang krimen aarestuhin ang suspek.
Kaparehong kasarian ng suspek, babae kung babae o lalaki kung lalaki ang dapat na magsasagawa ng body search. Sa isang pribadong kuwarto na walang sinumang nakakakita kahit na bata.
Kapag hindi naging malinaw sa isang alagad ng batas at nalabag ang alin man sa pamantayang ito, nalabag hindi lang karapatang pantao ng indibidwal na nakaranas ng iligal na body search.
Malaking kasiraan at kahihiyan ang idudulot sa mga taong naging biktima nito, ayon sa isang clinical psychologist. Hindi lamang simpleng humiliation kundi torture ito sa isang indibidwal.
Dito nahulog sa aming BITAG ang mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) at ang mismong hepe ng presinto dose ng Quezon City Police District sa Eastwood Libis!
Abangan ang ikalawang bahagi…