PARA sa edad ni Senate President Juan Ponce Enrile na 88-anyos, kahanga-hanga ang ipinakikita niyang “grace under pressure” sa pangunguna sa impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona.
Sabi nga ni Sen. Jinggoy Estrada, marami ang nangangamba sa kalusugan ni Manong Johnny dahil sa mga mainitang balitaktakan at mahabang oras na ginugugol sa trial. Ngunit wala akong nakikitang palatandaan na bibigay si Manong Johnny porke laging cool at magaling magrenda sa takbo ng impeachment.
Ang pinangangambahan kong mag-collapse (huwag sana) ay si Senadora Miriam Santiago na kung ilang ulit nagpakita ng pagkapika sa abogado ng prosecution.
Pinatunayan ni Manong Johnny na kahit may edad, naroroon ang kalidad, integridad, dignidad at awtoridad. Congrats po Mr. President. Kayang-kayang pigilin ang bangayan ng depensa at prosecutors sa kanilang pagkokontrahan. Kapag sinabi ni Manong na “objection sustained” o “overruled”, sinusunod siya ng magkabilang panig nang wala nang reklamo pa. Talagang iginagalang ang matanda.
Heto ngang si Sen. Joker Arroyo na bata sa kanya ng apat na taon ay umaangal na gayung matatawag na minimal ang kanyang partisipasyon sa trial kumpara kay Manong. Ibig ni Arroyo na bawasan na ang oras sa trial para hindi lubhang stressful.
Tingin ko nga’y madugo ang trial na ito lalo pa’t hanggang ngayo’y nasa pangalawang artikulo pa lamang ng impeachment ang natatalakay. At kung ikukonsidera ang mahigit isandaang testigo na takdang iharap ng depensa at prosecution, baka malapit na ang Pasko’y wala pang hatol kay Corona. Sana matapos ito bago ang birthday ni Corona sa October 15 para siya’y makantahan ng “happy verdict to you” hehehe.
Dapat ding mag-aral ng leksyon ang prosecution dahil tila nangangapa sa dilim at wala pang napapatunayan sa kanilang alegasyon kay Corona. Pinapataas nila ang presyon ng dugo ni Sen. Santiago na napilitang mag-leave muna para makabawi sa kanyang kalusugan.
Sa takbo kasi ng usapin, parang ipinapatalo ng prosecution ang kaso dahil sa kanilang mga blunders sa harapan ng husgado. Sabi nga ni Mang Gustin na barbero ko: “Wala kayang payola kay Corona ang mga ito para sadyaing pumalpak sa korte ng Senado?”