Magmalinis ba
DAHIL sa impeachment trial, marami nang kilusan ang namumuo. Nandyan ang 188 movement ng ilan sa Kongresistang lumagda sa Articles of Impeachment na naglalayong ipagbigay alam sa sinasakupan ang mga dahilan ng kanilang pagpirma, at ang IBP impeachment watch na nilikha ng ating pambansang samahan ng mga abogado upang bantayan ang proseso.
Napakaganda nito para sa publiko dahil matutulu-ngan tayong intindihin ang mga malalalim na konseptong nagbabanggaan sa Impeachment. Para itong advanced course on government. Edukasyon at impormasyon, mga mabuting side effect na laging maaasahan tuwing banggaan ng mga sangay ng pamahalaan.
Subalit hindi dapat tayo nakukuntento sa ganitong side effect lamang. Kung may magandang bunga na dapat natin ipagpilitan, ito ay ang reporma sa mga maling pamamalakad na natutuklasan. Tulad na lamang nitong isyu ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Kung mapatunayan nga ng mga nagpaparatang na mayroong pagkukulang, lahat ng nanunungkulan ay mapipilitang maging mas mahigpit sa pagfile at pagpuno ng kanilang impormasyon sa SALN.
Sa tutoo lang, ang pinakamagandang starting point dito ay kung mismong mga namamaratang ang manguna ayon sa pinaglalabang spirit of transparency and accoun-tability na ipagtapat sa bayan ang kanilang mga SALN kasama na rin ang Income Tax Return (ITR). Sumunod na rin sana ang mga Senador. Dapat lamang na maipa-kita sa publiko na may karapatan silang mamaratang at manghusga dahil sila’y naging tapat sa pagpatupad ng mahalagang obligasyong ito. Maging ang 13 na Associate Justices ng Supreme Court ay dapat ring isapubliko ang kanilang SALN at ITR tulad ng ginawa ni Associate Justice Martin Villarama. Kulang ang nauna nang paglahad nina Associate Justices Antonio Carpio at Lourdes Sereno na pawang mga summary lang at walang detalya ng Net Worth ang pinamahagi.
Hindi dapat ikabahala ang ganitong mga tensyon at drama – natural lamang ito sa disenyo ng ating pamahalaan kung saan ibinahagi sa tatlo ang kapangyarihang dati’y hawak ng iisa. Sa kanilang banggaan, laging may ibubungang bagong pag-unawa at pagpapahalaga sa mga layunin ng ating demokrasya na nakasaad sa ating Saligang Batas.
- Latest
- Trending