BUGBOG-SARADO, basag ang mukha at sinlaki ng mga kamao ang black-eye sa magkabilang mata ng isang lalaki na lumapit sa BITAG, araw ng aming serbisyo publiko.
Dahil dito, binansagan ng BITAG ang biktima sa pangalang MARGARITO na mas matindi pa sa boxing ang kinasangkutan.
Sumbong ni Margarito, kumakalas na raw siya sa kanilang grupo na utak ng pagja-jumper sa kanilang barangay sa Balintawak, Quezon City.
Ayon kay Margarito, siya ang taga-kabit ng mga linya ng kuryenteng ikinakabit sa mga bahay-bahay.
Buwan-buwan ay nagbabayad ang kanilang mga parukyano sa kanilang grupo. Dito sila naghahati-hati ng kita.
Subalit nang magdesisyon siyang tigilan na ang pagja-jumper, pinagbubugbog siya ng kanyang mga ka-tropa. Wala umanong nagawa ang kanilang barangay sa kanilang reklamo.
Ang kanyang hiling, katarungan. Kaya ang BITAG ikinasa na ang isang resbak laban sa mga kolokoy na butangero.
Kinabukasan, sa araw na itinakda ng aming grupo para sa isang gulpi-de-gulat na kumprontasyon sa mga inire-reklamo at sa barangay mismo, nagbago ang ihip ng hangin.
Si Margarito, umayaw sa resbak ng BITAG at ang kanyang nais na lamang daw ay maipagamot siya at mapa-ospital.
Makailang beses naming tinanong ang pobre sa kan-yang desisyon, nais ng BITAG na mabigyan ng katarungan ang walang pakundangang pambubugbog sa biktima. Bukod dito, tuldukan ang iligal na gawaing ito.
Subalit nakapagtataka ang biglang pagbaliktad ni Margarito sa aming napag-usapan. Sa huli, umamin itong kinau-sap daw siya ng kanilang barangay admi-nistrator.
Hindi ko na inusisa pa kung ano ang kanilang napag-usapan dahil hulog na sa BITAG kung ano ito.
Nais lamang ipaalala ng BITAG na sinumang lumapit sa aming tanggapan, hindi kami naglalaro sa aming programa. Seryoso naming sosolusyunan ang inyong sumbong sa abot ng aming makakaya.
Ang mali ay mali, ang tama ay tama. Kung ipinagkatiwala n’yo sa amin ang inyong sumbong, inaasahan na-ming walang aatras sa krusada at labang ito.
Para kay Margarito, hindi BITAG ang kanyang kailangan kundi ospital. Nagkamali siya ng tanggapang pinasukan.