WALA palang nakatakdang parusa sa mga bumibili ng pekeng DVD at CD sa ilalim ng anti-piracy law. Ang tanong ko ay bakit kaya?
Ang pinarurusahan lang ay ang mga gumagawa at nagbebenta pero hindi ang mga bumibili. Kung ibig na-ting maging epektibo ang batas, papanagutin din ang mga tumatangkilik ng ninakaw na intellectual property. Kung may illegal na negosyong ibig lansagin, alisin muna ang merkado.
Mayroong tinatawag na anti-fencing law. Yung mga bumibili ng ninakaw na bagay ay pinarurusahan din kasama ng nagnakaw at nagbenta. Pero hindi ito sumasaklaw sa mga ninakaw na kalakal. Hindi pa nito sakop ang mga indirect theft gaya ng pagnanakaw ng intellectual property.
Iyan ang dahilan kumbakit kampante si Presidential political adviser Ronald Llamas sa pamimili ng bultu-bultong pirated DVD. Ewan ko kung ang mga ito ay musika o pelikula. Pero ano pa man, ito’y pagtangkilik sa negosyong illegal.
Kung sa mga ordinaryong tao, ito’y hindi marahil mapapansin. Pero para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno, palso ang ginawa niya. Mantakin mong may all-out drive ang pamahalaan laban sa piracy tapos heto ang isang miyembro ng gabinete na bumibili pa nang bultu-bultong fake DVD.
Nag-sorry na raw si Llamas kay President Noynoy sa kanyang nagawa at sa susunod, magiging maingat na raw siya sa mga galaw niya. Ano ibig sabihin nito? Hindi na siya magpapabisto kapag gumagawa ng palso?
Dapat isipin ni Mr. Llamas na siya’y kunektado sa gabinete ng isang Pangulong may magandang layunin sa bansa. Isang Pangulong pinipilit puksain ang katiwalian.
At sana’y huwag magbingi-bingihan at magbulag-bulagan ang Pangulo at gawan ng kaukulang aksyon ang usaping ito. Nauna nang nakagawa ng palso si Llamas nang mahulihan ang kanyang sasakyan ng mga matataas na kalibreng sandata na wala siyang awtorisasyong bitbitin. Ano pang kapalpakan ang gagawin ni Llamas bago parusahan o tanggalin?