HINDI lamang ang mga paghuhukay sa kalye ang nagpapalubha sa trapik ngayon, pati ang pagsu-shooting ng mga pelikula ay naging dahilan na rin. Masisisi rito ang pagsu-shooting ng “The Bourne Legacy”, isang foreign action movie na tatlong linggo nang sinu-shoot sa mga kalsada sa Metro Manila. Paano’y ginaya sila ng mga gumagawa ng teleserye. Hindi naman nagsu-shooting sa matataong lugar ang mga Pelikulang Pinoy at ginagawa man, sa gabi ginagawa para hindi maka-create ng trapik.
Noong Lunes ng umaga, binulaga ang mga motorista at pasahero nang grabeng trapik sa kanto ng Buendia Avenue at Roxas Blvd. Marami ang nagtaka sapagkat hindi naman ganoon kagrabe ang nangyayaring trapik sa lugar. Dahil sa trapik na inabot nang maraming oras, maraming na-late sa trabaho at eskuwela. Yung iba ay nagmura na dahil matagal na silang naka-stock sa kalye. Walang galawan.
Nadiskubre na mayroon palang shooting ng isang teleserye sa kanto ng Buendia at Roxas Blvd. Isang bus na kunwari ay nahulog sa tulay ang kinukunan. Sa ibaba o sa binagsakan ng bus ay may mga nasirang kotse.
Iyon pala ang dahilan ng grabeng trapik! Patuloy sa pagmumura ang marami at ang ilan naman ay walang ginawa kundi panoorin ang nakabitin na bus na ginamitan ng crane.
Ang nakapagpainit pang lalo ng ulo sa mga motorista ay wala man lang MMDA personnel na nagsasaayos ng trapiko. Katwiran naman ng MMDA, hindi raw ipinaalam sa kanila na may gagawing shooting sa lugar. Nabigla rin daw sila nang makita ang “nahulog” na bus.
Maaaring ginaya ng ginagawang teleserye ang “The Bourne Legacy” para pag-usapan. Libre nga naman ang promosyon. Pero hindi naman nila naisip na dahil sa kanilang gimik marami ang naperhuwisyo.
Trapik na nga dahil sa mga paghuhukay at iba pang ginagawa ng DPWH, Maynilad, Manila Water at iba pa, pati ba naman pagsu-shooting ng pelikula ay idadagdag pa.