HANGGANG ngayon nakatali sa procedural at technical issues ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Sa hiling ng defense, ibinawal ng senator-judges ang pagpapatunay ng katiwalian batay sa income tax returns (ITRs) at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ni Corona. Kasi raw ang dinidinig sa kasalukuyan ay ang ikalawa sa walong articles of impeachment: Ang hindi niya pagsasa-publiko ng SALNs. Anang sakdal, nilabag dito ang Konstitusyon at ipinagkanulo ang tiwala ng publiko, pero hindi korapsiyon. Sa ibang sakdal ang graft.
Pero nakakaintriga ang hinalungkat ni journalist-blogger Raissa Robles mula sa baul ng Korte Suprema. Ito’y isang ponensiya nu’ng 2003 ni noo’y bagong mahistradong Corona, tungkol sa nakaw na yaman ni Marcos. Maaaring paghalawan ng senator-judges, congressmen-prosecutors at depensa ng talino ang pana-naw mismo ni Corona sa ITRs at SALNs. Kasama na rin diyan ang pagkalait ni Corona sa teknikalidad.
Tatlo ang mabibigat na punto ni Corona sa “landmark ruling”:
Una, nasa sa akusado ng paglilikom ng nakaw na yaman ang tungkulin na patunayang legal ito;
Ikalawa, dapat balewalain ng korte ang mga teknikalidad na ibinabato ng nasasakdal; at
Ikatlo, sapat nang ikumpara ang SALNs at ITRs ng nasasakdal sa kanyang kabuuang yaman, upang mabatid kung nakaw ito.
Sa ponensiya, pinagkone-konekta ni Corona ang mga dots para patunayang nakaw ang yaman ni Marcos.
Nilikom niya ang mga ITRs at SALNs nito at ng mga kapamilya. Batay doon, sinuma niya ang aktuwal na yaman. Minenos ito sa lahat ng yaman. Ang labis ay tinuring na nakaw.
Maari rin ngayon gamitin ang formula sa ITR at SALN ni Corona.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com