ANG sunud-sunod na pagbanat ng aking kapatid na si Mon Tulfo sa kanyang kolum at programa sa radio ang nagtulak kay Justice Secretary Leila de Lima na magsagawa ng imbestigasyon sa Noriyo Ohara kidnapping.
Isang grupo ang agad binuo ng DOJ na tututok at mag-iimbestiga sa kasong kidnapping sa Haponesang si Ohara nang umano’y mga ahente ng National Bureau of Investigation.
Ito ang fact-finding committee. Bago pa man magsagawa ng preliminary investigation, sinibak na sa puwesto si NBI Director Magtanggol Gatdula sa dahilang lost of confidence.
Naging madamdamin ang pahayag na isinagawa ni Gatdula sa TV5 kung saan sinabi niyang sa tagal niya sa serbisyo, hindi siya nang-extort. Nakahanda umano siyang lumaban upang linisin ang kanyang pangalan.
Enero 24, nakapanayam ng BITAG ang isa sa miyembro ng fact-finding committee ng DOJ na si Fiscal Donald Lee.
Lumabas umano sa kanilang imbestigasyon na mahigit-kumulang 30-katao at anim na sasakyan ang dumukot kay Ohara sa Bugallon, Pangasinan sa bahay ng kanyang foster parents, ang Marzan family.
Sa 30 personalidad na ito, isa lamang ang lehitimong ahente ng NBI, si Special Investigator Jose Cabillan na itinuturing na star witness at kasalukuyang nasa ilalim ng witness protection program ng DOJ.
Ang tunay na eksena, nakasentro lamang ang im-bestigasyon ng fact finding committee ng DOJ sa kasong kidnapping for ransom ng mga ahente ng NBI.
Ang nakakabahalang ugat ng problema na hindi pa nauungkat at pinag-uusapan, ang human smuggling na nagaganap sa ating bansa na kinasasangkutan ng mga tiwaling immigration personnel.
Ayon na rin sa hepe ng Bureau of Immigration Intelligence Group, hindi dumaan sa regular na proseso sa counter ng immigration sa NAIA si Ohara. Ipinuslit ito palabas ng airport sa tulong ng isang immigration personnel.
Malaking pera umano ang ibinayad sa pagpupuslit sa Haponesa at may buwanang protection money na ibinabayad si Ohara sa isang empleyado ng immigration na ngayon ay retirado na.
Isang national security issue ang human smuggling sa loob ng NAIA tulad ng iligal na pagpasok ni Noriyo Ohara sa ating bansa.
Kapag hindi ito naagapan, madali para sa sinumang terorista ang mapasok ang ating bansa upang maghasik ng lagim sa estilong katulad ng pagpasok ng Hapo-nesang naging kontrobersiyal ngayon sa ating bansa.