Nang ako’y magising kaninang umaga
Maningning ang araw ito ay maganda;
Kaya naisip kong ngayo’y malayo na –
Si Ondoy at Sendong na mapaminsala!
At ang Haring Araw nang aking limiin
Bukod pa sa Diyos – ito ay diyos din;
Kung wala ang araw na lubhang maningning
Wala rin ang mundo na ating kapiling!
Madilim ang lahat: Ang dagat at bundok,
Ang ibon, ang tao, halaman at hayop;
Wala kang makita – lahat ay alabok
Wala rin ang Anak ng dakilang Diyos!
Dahil sa madilim ang buong daigdig
Ang lahat ng bagay di mo mamamasid;
Ang mata ng tao walang masisilip
Kundi kadilimang ang dulot ay hapis!
Dahil sa madilim ay para ano pa
Ang mga nilikhang nabuhay sa lupa?
Taong magagaling – mayaman at dukha
Saka ang pag-ibig ay mayroon pa kaya?
Kaya sa masdang liwanag ng araw
Ang buong daigdig ay naliwanagan
Ito’y bolang apoy na hawak sa kamay
Ng dakilang Diyos na tayo ay mahal!
Dahil sa ang Diyos lubhang maawain
Lahat ng nilikha Kanyang papalain;
Sa umaga pa lang sa ating paggising
Hanggang sa pagtulog ay alaga pa rin!
Kaya sa umagang mainit maulan-
Nagbabagang bola hawak ng Maykapal;
Sakay ng karwahe na maraming laman –
Lahat ng buntala, bituin at buwan!
Kaya nga kay ganda ng umagang ito
Pagka’t ang liwanag laganap sa mundo;
Ang sinag ng araw abot sa bansa ko’t
Dapat pasalamat tayong Pilipino!