Samahang-99: Ano ang sapat?
(Editor’s note: Humihingi kami ng paumanhin kay Mr. Jarius Bondoc sa hindi sinasadyang pagkakamali sa kanyang column na SAPOL kahapon. Ang dapat lumabas ay “Samahang-99: Ano ang sapat?’’ at hindi “Kontrobersiyal ang prosecution panel”. Narito ang kabuuan ng kanyang column na dapat nabasa kahapon.)
MINSAN may Hari na, bagamat napaka-yaman, ay malungkot at di-kuntento. Isang araw nadaanan niyang nagtatrabaho ang hardinero ng palasyo. Magiliw at pakanta-kanta ito sa pagtabas ng damo at pagpitas ng prutas. Nag-isip ang Hari kung bakit siya, na Kataas-Taasang Pinuno ng Lupain, ay malumbay, samantalang ang abang utusan ay napaka-ligaya. Inusisa ng Hari kung bakit masaya si hardinero. Sagot nito, “Mahal ng Hari, maliit na nilalang lamang ako, at walang ninanais na karangyaan ang pamilya ko. Sapat na sa amin ang munting bahay, at mainit na pagkain.”
Hindi kuntento ang Hari sa sagot. Ipinatawag niya ang tagapayo at ikinuwento ang hardinero. Matapos makinig, nagwika ang tagapayo: “Malinaw na hindi pa naisasali ang hardinero sa Samahang-99.” At ano ‘yang Samahang-99, usisa ng Hari? Nagpaliwanag ang tagapayo: “Mahal na Hari, para maintindihan kung ano ang Samahang-99, maglagay ng 99 baryang ginto sa sako at iwanan sa pintuan ng hardinero.”
Nang makita ng hardinero ang sako, agad ito ipinasok sa bahay. Laking tuwa niya nang tumambad ang laman. Binilang niya ang laman: 99 baryang ginto. Tapos, napaisip siya: “Sino naman ang mag-iiwan ng 99 piraso? Malamang 100 ito.” Kaya inikot niya ang paligid at hinanap ang nawawalang isang barya. Napagod siya sa kahahanap sa wala. Kaya pinasya niyang dapat ipagtrabaho na lang ang kakulangang isang barya ng ginto. Mula sa araw na ‘yon, itinuon ang kanyang isip para kitain ang isang pirasong ginto. Naglaho ang saya niya sa buhay, puro kayod ang nasasaisip. Hindi
na siya magiliw at pakanta-kanta sa trabaho. Naging bugnutin, materyoso at tuso. ’Yun pala ang ibig sabihin ng Samahang-99.
(Halaw mula sa Internet)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending