MADALAS kong sabihin ang alak may sa demonyo yan. Kapag ininom ng isang tao at hindi marunong magdala ng tama nito, basag ulo at gulo ang naghihintay sa bandang dulo.
Pinaghahampas nitong lalake ang kainuman ng kable na may bakal sa dulo. Umilag ito subalit hindi tumigil itong lasing hanggang makadampot ng isang boteng long neck ang dapat na biktima. Dulo-dulo itong may hawak ng kable sa ospital ang bagsak.
Malaking hiwa sa kanang braso ang tinamo ng umano’y nanghahambalos na si Paterno Abuel mas kilala sa tawag na “Putol” (dahil putol daw ang dalawang daliri sa kamay).
Putol man ang daliri, nagawa daw nitong hampasin ng hawak na kable si Crisaldo “Saldo” Bautista, kanyang kainuman.
Nagsadya sa aming tanggapan si Marivic Mendoza o “Marie”. Nilalapit niya sa’min ang kaso ng kapatid na si Saldo matapos nasangkot sa gulo. Kasong Frustrated Murder ang hinabla sa kanya.
Ika-19 ng Setyembre 2010, ‘birthday’ ng kanilang tiyuhing si ‘Eric’. Imbitado sina Marie at iba pang kapatid. Agad na dumating si Saldo.
Kasabay ng kainan ang inuman. Alas 5:00 pa lang ng hapon simula na ang tagayan sa labas ng bahay ni Eric.
Kasama sa mga nag-iinuman sina Saldo, pinsan nitong si Anthony Sapitanan Olikyano at tiyuhing si Armando Sapitanan. Nandun din ang ibang bisita maging ang dayong si Putol.
Kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho nun si Putol sa isang ‘vulcanizing shop’, kay “Jojo”.
Nasa bente ang mga manginginom ng gabing iyon.
Naalala pa ni Marie ang ingay ng kasiyahan… hanggang sumapit ang alas siete ng gabi. Ibang sigaw na ang kanyang narinig.
“Awat na! Tigil na… isugod niyo na yan sa ospital,” sigaw ng mga tao.
Mabilis na lumabas si Marie. Naabutan niya ang kapatid hawak-hawak ng isang nagngangalang ‘Bernadette’, isa rin sa kainuman nila ng gabing yun.
Tinanong niya si Saldo, “Anong nangyari Saldo?”
“Si Putol… hahatawin ako ng kableng may bakal sa dulo! Pinagtanggol ko lang sarili ko,” pahayag daw ng kapatid.
Base sa kwento ni Saldo kay Marie at sa pinagsama-samang kontra salaysay nila Saldo, Anthony at Armando.
Pauwi na si Armando nang bigla na lang siyang lapitan nitong si Putol at pigilang umuwi.
Hindi nagpapigil si Armando. Dahil nakainom si Putol, nangungulit ito hanggang nagtalo na sila. Napansin ni Armando ang pag-init ng ulo ni Putol.
Dito na pumasok sa eksena itong si Saldo. Nakita niya ang tiyuhin at si Putol, Pinakiusapan ni Saldo si Putol na tigilan si Armando.
Dahil nakainom si Putol siya naman ang nabalingan ng galit at sinabihan siya na huwag makialam.
“Baka sa’yo ko ihampas ang hawak kong kable!” sabi daw nito sabay hataw sa kanya.
Nakailag si Saldo subalit hinataw pa rin siya ni Putol hanggang makalapit sa kanya. Dito na niya nadampot ang isang bote. Nabasag ang bote dahil tumama dito ang bakal ng kable.
Pilit inaagaw ni Putol ang bote. Nag-agawan sila hanggang bumagsak ito sa lupa at magpira-piraso.
Umawat naman daw itong si Anthony. Giit ni Saldo maaring nahiwa ang braso nitong si Putol ay dahil sa pag-agaw niya ng bote. Hindi daw siya ang may gawa.
Para sa isang patas na pamamahayag tinignan din namin ang panig ng biktimang si Putol.
Base naman sa kanyang salaysay, habang siya’y nasa labas ng ‘vulcanizing shop’ kung saan siya nakatira at nagtatrabaho dumating na lang ang tatlong akusado at walang dahilan biglang hinawakan ang kanyang kanang braso ni Armando at si Anthony naman sa kaliwa.
Bigla na lang siyang pinalo ng long neck ni Saldo sa ulo. Nabasag ang bote at inundayan siya ng saksak sa dibdib subalit nasagi niya ito kaya’t bumaon ito sa kanyang braso.
Natumba siya. Pinagtatadyakan at sinipa siya ni Anthony sa likod at batok at dali-daling nagtakbuhan. Mabilis siyang sinugod sa ospital.
Tumestigo naman sa pangyayaring ito ang isang nagngangalang Randy Legaspi. Isa rin umanong dayo.
Nagsampa ng kasong Frustrated Murder si Putol laban kina Saldo, Armando at Anthony sa Prosecutor’s Office, Imus Cavite.
Naglabas ng resolusyon si Asst. Prov. Pros. Oscar R. Jarlos nung ika-4 ng Marso 2011 at dinown grade ito sa Less Serious Physical Injuries.
Sa ngayon nasa Muncipal Trial Court (MTC) Imus, Cavite na ang kaso.
Gustong malaman nila Marie kung ano pa ang legal na hakbang na maari nilang gawin kaya nagpasya na silang magpunta sa aming tanggapan.
“Baka makulong ang kapatid ko. Nadamay lang naman siya sa gulong ‘to. Kung tutuusin umawat lang siya,” wika ni Marie.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Marie.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maliwanag na hindi nakitaan ng taga-usig ang ‘intent to kill’ ang mga akusado ng kanilang masaktan ang biktima. Kung tutuusin maari nilang tapusin na ang buhay nun dahil tatlo sila laban sa isa. Isa pa sa sugat na tinamo ay sa braso lamang hindi mo masasabing ito’y ‘fatal wound’ o nakamamatay na sugat at sa isang malawakang paglilitis maaring ipaliwanag ng ‘medico legal’ na ito’y natamo sa pakikipag-away.
Maganda sanang magkasundo na lamang ang magkabilang panig. Maari namang pag-usapan at ayusin ang kasong ito at kung itutuloy ito sa Korte at mapatunayan na sila Saldo, Anthony at Armando ay nagkasala maari silang masentensyahan ng hindi lalampas sa anim na taon.
Nakasaad sa ating ‘penal code’ na kapag ang sentensya ay below six (6) years maari kang mag-‘apply’ ng ‘probation’ kung ikaw ay ‘first offender’. Ang ibig sabihin wala kang ibang kaso kung saan ikaw ay napatunayang nagkasala at nahatulan na.
Importante ding ipaalala sa kanila na huwag ng iaapela ang kaso sa mga ‘Appellate court’. Tanggapin ang desisyon at mag-apply ng probation sang-ayon sa batas. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maaring magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes-Biyernes.
* * *
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com