KALIWA’T KANAN ang ibinabatong batikos sa ilang miyembro ng prosecution panel hinggil sa kahinaan sa pagpipresenta sa kaso. Nagiging katatawanan ngayon ang kakayahan ni Iloilo Rep. Neil Tupas Jr. dahil tila hindi nito kayang pantayan ang galing ng defense panel sa pamumuno ni retired associate justice Serafin Cuevas. Inihalimbawa ng kaibigan kong kolumnista na si Billy Esposo na dapat daw mapalitan na si Tupas. Nagsisilbi raw itong kahihiyan sa prosecution.
Hindi ko hinuhusgahan ang kakayahan ni Tupas pero kita naman ng publiko sa impeachment trial na madalas itong masermunan. Inihalintulad ni Esposo si Cuevas kay NBA superstar Lebron James at si Tupas na isang amateur player.
Wala akong pakialam sa merito ng kaso, mahatulan man o maabsuwelto si Chief Justice Renato Corona pero ano kaya ang pakiramdam ng mga pamilya ng mga na-matay sa mga barkong lumubog tulad ng Doña Paz at MV Princess of the Stars habang nakikita nila si Atty. Arthur Lim na umuusig kay Corona. Si Lim ang nag-direct examination kay BIR commissioner Kim Henares tungkol sa ITRs ni Corona. E, paano naman ang katarungan ng mga namatay sa mga lumubog na barko na hanggang ngayon ay naghahanap ng hustisya?
Kontrobersiyal ang nasa prosecution panel. Kabilang sa mga prosecutor ay si Atty. Jose Justiniano na nag-abogado kay US Marine corporal Daniel Smith na inakusahan ng panggagahasa sa isang Pinay sa Subic.
Ayon naman kay Rep. Erin Tañada, wala silang balak palitan si Tupas bilang pinuno ng prosecution panel. Naniniwala silang maayos na nagagampanan ni Tupas ang tungkulin sa pag-usig kay Corona.
Bakit kaya hindi sumalang si Marikina Rep. Miro Quimbo at Tañada, kapalit ni Tupas upang makita ng publiko ang talino at husay nila?
Sana sa mga susunod, maging mabilis na ang paglilitis. Kung mapapatunayan na nagkasala si Corona, dapat siyang managot.
* * *
Sa reaksiyon, mag-email sa elysaludar@gmail.com at makinig sa DZXL RMN 558 kHz sa programang “Straight to the Point” 6:00-8:00 a.m. Lunes hanggang Biyernes kasama si Bobby Guanzon. Manood sa NET 25 sa prime time newscast “Mata ng Agila” 6:00-7:00 p.m. Lunes hanggang Biyernes.