Tapunan ng bangkay
MARAMI ang natuwa dahil kumikilos na ang PNP laban sa mga kilabot na riding-in-tandem sa Maynila at Quezon City. Ang masakit lang, sinasabayan ito ng summary executions na ayon sa aking pagkakaalam ay kagagawan ng vigilantes. Maraming natatagpuang bangkay sa Maynila at nagagalit si Mayor Alfredo Lim dahil ang napagbibintangang gumagawa ay mga taga-Manila Police District. Kaya inatasan ni Lim si MPD acting Director Chief Supt. Alejandro Guttierez na habulin ang may mga kinalaman sa pangsa-salvage upang makumbinsi ang Manilenos na malinis ang kamay ng mga taga-MPD.
Nasiyahan naman si Lim sa ipinakitang kasipagan ng mga taga-MPD nang sunud-sunod na bumulagta ng riding-in-tandem na holdaper sa Malate at North Harbor kamakailan. Kumilos kasi nang todo sina Supt. Ernesto Tendero ng Malate Police Station at Supt. Jemar Modequillo ng Moriones Police Station.
Humanga si Lim kay Tendero nang makasagupa at mapatay ang most wanted na si Abdhul Basit Malacao, alias “Basit” na taga-Isla Puting Bato. Si Basit ay sangkot sa pagtutulak ng shabu sa North Harbor kaya halos lahat ng mga adik ay namumugad sa Isla Puting Bato. Sunud-sunod ang holdapan at patayan doon. Sangkot din si Basit sa pagbibili ng mga nakaw na motorsiklo. Subalit tinuldukan siya ni Tendero. Congratulations, Sir!
Sa Quezon City, nagpakita ng gilas ang mga pulis ni Chief Supt. Jorge Regis matapos mapatay ang dalawa sa tatlong riding-in-tandem sa may kahabaan ng Quirino Highway, Lagro kamakalawa.
Ngunit dismayado ang mamamayan sa patuloy na pagkalat ng mga bangkay na itinapon. PNP chief Dir. General Nicanor Bartolome, dapat maputol ang mga pangsa-salvage. Kung mag papatuloy ito, mamamaho na naman sa eskandalo ang imahe ng PNP. May kakayahan naman palang ma kipagsagupa ang mga pulis sa mga kilabot na kriminal bakit sa pangsa-salvage ay walang kasagutan? Bakit naman walang aksyon na ipinakikita ang Marikina at Pasig police sa pananalakay ng mga riding-in-tandem. Abangan!
- Latest
- Trending