MABUTI at inumpisahan ni Senate President Juan Ponce Enrile na mag-Tagalog sa ika-limang araw ng impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona. At dahil sa kanyang ginawa, nagsunuran na rin ang iba pang senador para magsalita na rin ng Tagalog. Nag-Tagalog si Sen. Allan Peter Cayetano, Sen. Manny Villar at Sen. Miriam Defensor Santiago. Ayon kay Santiago, mahalaga ang pagsasalita ng Tagalog sa trial para ganap na maintindihan ng mamamayan ang pinag-uusapan sa paglilitis.
Sa mga naunang araw ng paglilitis kay Corona, dalawang senador ang nagpakita nang husay sa pagsasalita ng Tagalog o Filipino. Ang dalawa ay sina Senators Chiz Escudero at Jinggoy Estrada. Purong Tagalog ang kanilang pagdeleliver kaya naman marami ang nakaintindi sa kanilang sinasabi. Ganap na naintindihan ang kanilang mga punto at naunawaan ang kanilang mga nais ipabatid sa mamamayang sumusubaybay sa paglilitis.
Kahapon, naging kapuna-puna naman na walang nagsalita ng Tagalog sa prosecutors kaya malamang na mayroon na namang hindi nakaunawa sa takbo ng paglilitis. Mula sa unang araw ng paglilitis, wala pang prosecutor na nagdeliver ng Tagalog patungkol sa kanilang inihahaing kaso kay Corona. Siguro’y dapat sumunod ang prosecutor at maski ang depensa sa kahilingang mag-Tagalog din sila o kahit man lang Taglish (Tagalog-English) para naman ganap na malaman nang nakararami ang takbo ng paglilitis.
Kung ang mga senador ay sumusunod sa kahilingan ng mamamayan na magsalita sa sariling wika para maintindihan, mas lalong dapat sumunod ang mga nagsasakdal para malaman ang kanilang mga nais ipabatid. Sa dami ng karaniwang mamamayan na sumusubaybay sa paglilitis, nararapat lamang na sa sariling lengguwahe ito sabihin. Mahalagang malaman ng mamamayan ang nangyayari sa trial sapagkat kabilang sila rito bilang taxpayers. May karapatan ang mamamayang nagbabayad ng buwis sapagkat sa kanila galing ang sinusuweldo sa inaakusahan.