SA Impeachment, lahat tayo’y estudyante. Hindi lang ang publiko. Mismong ang mga nakikilahok ay may aral na napupulot sa araw-araw na takbo ng Impeachment Trial.
Kahapon ay mahabang diskusyon muli ang naganap tungkol sa mga tinatawag na technicalities ng ibang tao. Usapan sa kung anong Rules of Procedure ang gagamitin. Bunga ito ng masalimuot pa ring Article 2 – dapat bang pag-usapan ang sinasabing “ill-gotten wealth” ni Chief Justice Corona gayong hindi naman daw ito kasama sa paratang. Maging ang standard of proof o ang batayang gagamitin ng Impeachment Court sa pagpasya nito kung guilty nga ang akusado ay muling natalakay.
Lutang sa lahat ng ito ay walang kasiguruhan ang mga patakarang sinusundan ng isang Senate Impeachment Court. Maaring mahigpit ang pagpapatupad sa ibang gawi tapos maluwag naman sa iba. Halimbawa, strikto sa mga tanong ng mga abogado pero maluwag naman sa mga tanong ng Hukom. Maging ang debate sa standard of proof – kung beyond reasonable doubt ba, overwhelming preponderance of evidence o substantial evidence – napakinggan natin na ito’y isang bagay na hindi pa sigurado at maaring mabago.
Ang sabi nila ay sui generis o “extraordinary” at walang katulad ang prosesong ito. Mantakin niyong mga Senador at hindi Huwes ang huhusga. Sa halos lahat ng hakbang ng Impeachment Court ay walang mga naunang kaso na maaaring maging gabay. At kung meron mang nauna nang kaso, hindi rin masabi na tali ang kamay ng Senado na kailangan itong sundan. Dahil hindi naman tulad ng mga tutoong Hukuman na nakatala ang mga desisyon at kailangang ilahad ang mga batayan ng kanilang pagpasya, sa Senado ay dinadaan lang sa botohan kaya walang epekto sa mga susunod ding Senado.
Kahit pa man, gaano ka man natutuwa sa huling pasya, hindi rin magiging katanggap tanggap kung walang prosesong maganda na dinaanan. Tanging sa paraang ito masasabi na tayo’y napapailalim sa isang sistema ng batas at hindi bihag ng kagustuhan lamang ng nakararami.