Study Now, Please Pay Later
NAMEMELIGRO na ang programang “Study Now, Pay Later” ng gobyerno, dahil maraming nagtapos sa programa ang hindi nagbabayad. Ang nangyayari siguro, “Study Now, Forget Payment”! Nasa 1-3% lang daw ang nagbabayad. Natural, saan kukunin ng gobyerno ang pinaluwal muna na mga matrikula ng mga pumasok sa programang ito, kung hirap na nga ang gobyerno sa paghanap ng pondo? Ito ang masamang ugali rin ng ilang Pilipino. Napakadali umutang ng pera. Sabi ko nga sa aking programa sa radyo, hindi masama ang umutang kung gagamiting puhunan para kumita, nang mabayaran ang utang sa takdang panahon. May gaganda pa bang puhunan sa edukasyon?
Ang repayment rate na isa hanggang tatlong por-syento ng mga umutang para sa pag-aaral ay pinakita muli ang masamang ugali ng hindi pagbayad sa utang. Napakaraming ganyan, naku sa totoo lang. Kapag lumalapit para humingi ng tulong, ipapangako ang langit at lupa at saksi pa ang Diyos na magbabayad. Pero kapag nakita mo nang nakaraos sa problema o kumikita na nang maayos, ayaw nang magbayad ng utang! Kakalimutan ka na, aawayin ka pa, ikaw pa ang masama!
Kaya ngayon, gusto nang itigil ng Commission on Higher Education (CHED) ang programa. Pati pala ang SSS ay may ganyang programa. Marami ang nag-aaply ng student o education loan, pero marami rin ang hindi nagbabayad sa tamang oras, o hindi na talaga nagbabayad! Kawawa naman yung mga gustong makapag-kolehiyo sa pamamagitan ng programang ito! Baka nandiyan ang mga magiging pinuno ng bayan, mga kapitan ng industriya, mga bayani ng bansa. Pero dahil sa hindi nagbayad ang mga nauna nang pumasok sa programang “Study Now, Pay Later” at hindi nagbayad ng utang, nawala na ang kanilang pagkakataon!
May nakabinbin namang mga panukala sa Kongreso para palakasin ang programa, na malinaw na nakakatulong naman sa marami. Dapat mga kilalang tiwali at corrupt na mga opisyal at pulitiko ang bawian ng mga yaman ay gamitin na lang sa programa! Pero una na muna ang pagbabago sa ugaling hindi pagbayad. Dapat lang! Walang saysay ang programa, kung hindi rin mababayaran ang mga pinakinabangang pera para makapagtapos ng pag-aaral. Aabusuhin lang ang programa. Study Now, Please Pay Later. Please!
- Latest
- Trending