Editoryal - Huwag sa PNP kunin ang ipapalit kay Gatdula
MAGKAROON na sana ng leksiyon si President Noynoy Aquino sa pagkuha ng magiging director ng National Bureau of Investigation (NBI). Nagkamali na siya ng pagkuha sa dating Quezon City Police Director na si Magtanggol Gatdula at sana sa pagkakataong ito ay hindi na siya magkamali. Sa kanyang pagkakamali ay maraming nasasakripisyo at maski mismo ang kanyang pangalan ay napipintasan. Bakit kailangang magmula sa Philippine National Police (PNP) manggaling ang itatalagang NBI director gayung mas maraming kuwalipikado sa bureau mismo. At mas kabisado ng mga taga-NBI mismo ang trabaho. Iba ang trabaho ng pulis kaysa NBI.
Pinasasampahan na ng kaso ni President Aquino si Gatdula at mga kasama nito dahil sa kidnapping at extortion sa isang Haponesa na nagngangalang Noriyo Ohara. Si Ohara ay isang undocumented alien. Tumakas umano ito sa Japan dahil hinahan-ting ng sindikatong Yakuza. Kinupkop umano ng isang pamilya mula sa Pangasinan ang Haponesa pero ang ginawa ng mga taga-NBI ay kinidnap ito at hinihingan nang malaking halaga ng pera. Isang malaking kasalanan sapagkat hindi ang NBI ang dapat magtago sa Haponesa kundi ang Bureau of Immigration (BI).
Matagal umanong nasa kamay ng NBI ang Haponesa at sa haba ng panahon ay walang ginawa si Gatdula para i-turned over ito sa Immigration. Lumalabas na kinunsinti pa ni Gatdula ang kanyang mga tauhan. Sabi ng presidente, nasira na ang pagtitiwala niya kay Gatdula. Ang inaasahan niyang pinuno ng ahensiya na gagampanan ang tungkulin ay hindi pala karapat-dapat. Mara-ming beses na raw ini-informed kay Gatdula ang tungkol sa Haponesa at kung bakit ito nananatili sa NBI pero walang ginawang aksiyon.
May mga balita na isang dating hepe ng PNP ang ipapalit kay Gatdula. Huwag na. Tama na ang leksiyon na nakuha kay Gatdula. Kung pulis na naman, baka magkaroon na naman ng panibagong problema at malagay na naman sa alanganin. Bago kumuha sa labas, sa loob muna dahil mas kabisado nila ang trabaho.
- Latest
- Trending