HANGA ang lady anti-crime crusader na si Teresita Ang- See sa sinibak na director ng NBI na si Magtanggol Gatdula. “May prinsipyo at mabuting tao” aniya. Kaso, si Gatdula ay sinibak dahil may kinalaman daw sa kaso ng pangingidnap at kasong extortion.
Kahit si Gatdula ay nagulat sa biglaang desisyon ng pagsibak sa kanya na kinumprima mismo ng Malacañang at ng Justice Secretary na si Leila de Lima.
Ni hindi nakuhang ipagtanggol ni Magtanggol ang sarili kaya hayan, natanggal. Umasa tayo na iinog nang nasa tamang katuwiran ang hustisya sa kasong ito. Kung sadyang mapapatunayang nagkasala eh di kasuhan pero kung hindi totoo ang alegasyon, dapat ibalik sa tungkulin. Kasi, marami ring taga-NBI ang nanghihinayang kay Gatdula. Maraming positibong reporma umanong nagawa si Gatdula sa ahensyang ito mula nang siya’y maluklok.
Kabilang sa mga pinagpipiliang makakapalit ni Gatdula ay sina dating PNP Chief Bacalzo , ret. Gen. Danny Lim at si PNP-CIDG chief P/Director Sammy Pagdilao. Pawang may mabuting reputasyon ang mga iyan. Pero kahit mabuting tao pa ang ipapalit, umiral sana ang hustisya sa usaping ito. Ibig kong sabihin, magkaroon ng impartial probe para palutangin ang totoo. Baka kasi may mga taong nasasagasaan si Gatdula kaya nakakainitan siya.
Sensitibong tanggapan ang NBI. Iyan ang nagsisiyasat at nagdedetermina kung ang mga kasong kriminal ay totoo para umiral ang katarungan. Kaya nga ito’y nasa ilalim mismo ng Department of Justice. Kung ang mamumuno sa tanggapang ito ay tiwali, malamang maraming taong walang kasalanan ang papapanagutin sa batas para isalba yung mga totoong nagkasala.
Hindi ko personal na kilala si Gatdula at ni hindi ko pa nakikita ng personal pero para sa akin, kahit na sino’y may karapatan sa isang patas at makatarungang imbestigasyon na walang halong politika.