HINDI ko mapigilang matawa na lamang nang mapanood ang pagdepensa ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo kay CJ Corona. Kawawa raw, ika nga sila. At idinugtong pa na maging sila man ay kawawa rin. Katawa-tawa. Akala yata ni Senyor Mike ay makakatulong siya kung magsasalita pabor kay Corona. Ang masasabi ko na lang ay back-off!
Ngunit hindi po yan ang nais kong talakayan ngayon. Nais kong idagdag ang ispasyong ito upang alalahanin ang naging pagpaslang sa isang kasamahan sa hanapbuhay, si Doc Gerry Ortega, na pinaslang noong Enero 24, 2011. Di ko man nakilala ng personal ay kasama na ako sa kumikilala sa kanya bilang isang tunay na bayaning Palawenyo, bayaning Pilipino.
Si Doc Gerry ay patraydor na binaril sa likod ng ulo habang siya ay tumitingin ng mabibiling damit sa isang ukay-ukay sa Puerto Princesa. Mabilis na nasakote ang bumaril na taga-Quezon province. Umamin sa kanyang ginawa at sinabing binayaran ng isang nagngangalang Bumar, taga-Quezon din. Pinangalanan niya rin ang iba pang mga kasamahan na nagsilbing mga lookout.
Isa-isang nasakote ang mga kakutsaba, kabilang ang mga taga-Palawan na mga tagasuporta at empleyado ni dating Gob. Joel Reyes at asawa nito na kasalukuyang bise gobernador ng Palawan na si Fems Reyes.
Makaraan ang ilang araw ay sumuko kay Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn at Fr. Robert Reyes ang pinaka-mastermind ng grupo ng hitmen na galing Quezon na si Rodolfo Edrad alyas Bumar. Isiniwalat ni
Bumar na ang nag-utos para patayin si Doc Gerry ay si dating Palawan Gob. Joel Reyes. Maaalalang si Joel Reyes ang umako na namigay ng suput-supot na salapi sa mga gobernador at congressman nang ito ay mabisto ng media.
Nananawagan ako kay Justice Sec. Leila de Lima na siguruhing magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Doc Gerry. Hindi dapat na masayang ang sakripisyo ng isang tunay na marangal na tao.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com