TINALAKAY ko noong Martes ang isyu kung may kamandag pa ang “Ugnayan sa Masa”. Aba’y nagkaroon agad ito ng katugunan.
Noong Huwebes ng gabi, dalawang miyembro ng kilabot na Bahala na Gang ang nakabarilan ng mga tauhan ni Supt. Ernesto Tendero sa Kapitan Tikong at Singalong Sts., Malate, Manila. Ayon kay Tendero, inatasan niya ang kanyang mga tauhan sa follow-up unit matapos magsumbong ang mga estudyante ng De La Salle University at isang security guard na naholdap. Natiyempuhan ng kanyang mga tauhan ang mga holdaper sa madilim na bahagi ng Kapitan Tikong St., subalit sa halip na ipresenta ang kanilang sarili, nagpaputok ang mga ito kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kanilang pagkamatay. Sa pagsisiyasat ng MPD-Homicide section at SOCO, mga miyembro ng Bahala na Gang ang mga holdaper. Nakarekober ng caliber 22 at 38 na baril sa mga suspek.
Nakaenkuwentro naman ng mga tauhan ni Supt. Ferdinand Quirante ng Police Station-11 sa Mulle dela Industria sa gilid ng Pasig River, Binondo, Manila ang riding-in-tandem na responsible sa panghoholdap sa mga Chinese-Filipino businessmen. Napatay ang isang holdaper subalit nakatakas ang kaangkas nito.
Noong Huwebes ng gabi, bumulagta ang dalawang kilabot na holdaper ng North Harbor, Manila matapos na makipagbarilan sa mga pulis ni Supt. Jemar Modequillo ng Station-2 sa kahabaan ng Zaragosa St., di kalayuan sa gate ng Aboitiz Shipping (Pier-4). Ayon kay Modequillo, ipinakalat niya ang mga pulis sa naturang lugar matapos ang sunud-sunod na reklamong panghoholdap. Narekober
sa mga napaslang ang dalawang kalibre 38 at isang handbag ng babae.
Sa ngayon wala pang natatanggap na reaction mula kay Manila mayor Alfredo Lim subalit maraming Manilenos ang natuwa sa ipinakitang gilas ng mga alagad ni MPD Acting District director Chief Supt. Alejandro Guttierez. Muling naibalik sa kalye ang mga pulis na magbibigay protekyon sa sambayanan. Sa ngayon, tiyak kong magsasanib-puwersa muli ang mga dating tutulug-tulog na barangay chairman ng Maynila at ng Manila Police District sa paglipol sa mga kriminal. Kayong mga nangungupiting barangay chairman diyan, inguso na ninyo ang mga salot na drug pushers at user sa inyong nasasakupan upang mabigyan na ito ng kasagutan. Abangan!