HABANG nagaganap ang impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona, may mga ibang nagaga- nap naman sa bansa. Isa na rito ay ang paglabas na ng arrest warrant kay Ramona Bautista at tatlo pang nasasangkot sa kasong pagpatay kay Ramgen Bautista. Si Ramona Bautista ay nagtago na sa batas. Pero wala naman daw siyang kasalanan. Pero umalis na si Ramona ng bansa at hindi na nagpakita. Walang kasalanan pero lumayas na. Gusto ko lang linawin iyon. Abogado na lang niya ang kumakatawan para sa kanya.
Ganundin itong si Ryan Pastera. Nagpakita na si Pastera, kasama pa ang ilang ahente ng NBI, at nagpahayag na wala siyang kinalaman sa krimen. Hindi rin daw siya yung tinutukoy dahil iba raw ang kanyang anyo. Nang puntahan ng mga otoridad si Pastera sa kanyang bahay para arestuhin na, ilang araw na raw hindi umuuwi roon. At ayon pa sa mga kapitbahay, umalis sakay ang sasakyan umano ni Mrs. Magsaysay, ang ina ni Ramgen! Ano ang ibig sabihin nun? Kayo na ang humusga. Ito ang mahirap. Hawak na pala ng NBI, bakit hindi na muna binantayan kung magiging pangunahing suspek din pala sa krimen? Ngayon, pinaghahanap na siya!
Sa kilos lang nila Ramona Bautista at Ryan Pastera, hindi mahirap mag-isip na may kinalaman sila sa krimen. Kung totoo ang pahayag ng dalawa pang pinaaresto, na hawak na ng pulis, na magsasalita na sila ngayong opisyal na arestado na, gawin na nila kaagad. Masyadong masalimuot ang kasong ito, kung saan mga kapatid ng biktima ang mga pangunahing suspek, na tila may alam rin ‘yung ina! At lumalabas ay dahil sa pera pa ang dahilan!
Kailangan umandar na rin itong kaso katulad ng impeachment. Sa kasong ito, may mga testigo na, may biktima pang nabuhay para magsalita ukol sa mga pangyayari ng gabing iyon. At iyon nga, may mga nagtatago! Kung may indikasyon ng pagkakasala, iyon na yun! Kahit anong video pa ang iniwan! Dapat mahanap ang dalawang nagtatago, para malutas na ang kaso.