NOONG nakaraang Biyernes ay naipalabas sa progra-mang BITAG sa TV5 ang operasyong isinagawa ng Metro Manila Development Authority at BITAG laban sa isang bogus na towing sa Fairview Quezon City.
Marami ang natuwa dahil natuldukan ang tulisang operasyon ng kumpanyang 1-star towing sa mga lansangan ng Quezon City.
Isa sa mga naging biktima ang nagpaabot pa ng karagdagang impormasyon matapos mapanood ang nasabing segment.
Dalawang taon na umano ang nakalilipas, hindi pa daw 1-star towing ang pangalan ng bogus na towing company.
Kinumpirma niya ang mala-tulisang estilo ng pagto-tow ng 1-star. Sa kaniyang naranasan, parang hi-jacking ang naganap noong mga panahong iyon.
Katulad ng reklamo ng mga kasalukuyang biktima, sapilitan din umanong pinababa ang driver ng kanilang truck, sabay kinadenahan at hinatak na ang sasakyan kahit wala ito sa towing area.
Bumalik ang kaniyang takot nang mapanood niya ang surveillance ng BITAG sa balwarte ng 1-star towing.
Ang lalaking nakadilaw na umano’y nakatransaksiyon ng BITAG undercover ay nagngangalang, Edwin Dula, isa raw pulis ng Quezon City Police District o QCPD.
Sa mga tips na nakaabot sa BITAG, pag-aari nga umano ng isang pulis ang 1-star towing. Kaya’t kahit na bogus ang kumpanya nito’y kapal-muks at lakas-loob ang operasyon nito sa Lungsod ng Quezon City.
Hindi man isang daang porsiyentong kumpirmado ang BITAG sa ibinigay na pangalan ng pulis na nagma-may-ari ng bogus na 1-star towing, ipinalalagay pa rin namin itong isang info reference.
Nakabantay kami hanggang sa kasalukuyan sa muling pagbubukas ng 1-star towing. Kung mana-natiling iligal at mala-tulisan ang kanilang operasyon, muli silang bubulabugin ng BITAG.
Nag-uumpisa pa lamang ang deklarasyon ng BITAG at MMDA sa mga tulisan, bogus at kolorum na kumpanya ng towing sa buong Metro Manila.
Kung may mga sumbong, reklamo at impormasyon sa di tamang pag-tow ng mga towing company sa inyong Lungsod, makipag-ugnayan agad sa BITAG.