HABANG ang mamamayan ay sumusubaybay sa impeachment proceedings ni Chief Justice Renato Corona sa Senado, may mga nagaganap sa mundo at sa bansa na mas nakaaapekto sa mamamayan. Ilang beses nang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakaraang linggo, dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo sa mundo. Ang pagtaas ng krudo ay dahil sa tensyon na nagaganap sa pagitan ng Amerika at Iran, dalawang matagal nang magkatunggaling bansa. Pasaway kasi ang Iran hinggil sa kanilang progra-mang nuclear. Hindi naniniwala ang Amerika na ang nuclear program ng Iran ay para sa enerhiya lamang. Sa mata at isip ng Amerika, gumagawa ng mga nuclear arms ang Iran. At hindi nga malayo isipin iyon!
Ibang klase rin kasi itong pangulo ng Iran. Sadyang dinuduro ang mundo sa kanilang pagtanggi sa mga inspektor para obserbahan ang nuclear program kung talagang para sa mapayapang gamit lamang at hindi para sa digmaan o tero-rismo. Kelan lang ay tinambangan ang isa sa mga dalubhasa na nagtatrabaho sa nuclear program ng Iran. Parang sine ang pagpatay sa kanya. Nilapitan ang kanyang sasakyan ng isang motorsiklo, dinikitan ng bomba, umalis at pinasabog ang bomba! Natural na sinisisi ng Iran ang Amerika, pero hugas-kamay sila sa insidente. Siyempre.
Kaya mataas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. At dahil ang Iran ang isa sa mga bansa sa Gitnang Silangan na napakaraming langis, nagbabanta na babawasan ang produksyon at pagbenta ng mahalagang kalakal sa mundo! Matagal ko nang sinasabi na hindi dapat binigay ng Diyos ang langis sa mga bansang ito, dahil ginagamit lamang na sandata laban sa mundo! At dahil wala naman tayong langis na sarili, umaasa tayo sa mga bansang ito. Dapat mabawasan na nang husto ang ating pagdepende sa langis. Lagi na lang tayo hawak sa leeg ng mga bansang katulad ng Iran!
Wala tayong magagawa sa ngayon kundi umasa na matapos na ang tensyon. Pero matagal nang nanggigigil ang dalawang bansang ito sa isa’t isa. At habang may pinuno ang Iran na katulad ni Mahmoud Ahmadinejad, siguradong walang maganda ang magaganap para sa mundo. Kung ano ang dali ng desisyon ng Amerika na lusubin ang Afghanistan at Iraq, wala naman silang magawa ukol sa Iran. Pinipili rin ng Amerika ang mga bansang nilulusob – yung mga mahihina lang!