ISA sa 45 bahay at lupa na pag-aari umano ng pamilya ni impeached Chief Justice Renato Corona ay condominium sa Burgundy One Plaza. Nakalista umano ito sa pangalan ng Burgundy Realty Corp., na nagtayo ng gusali sa Katipunan Avenue, Quezon City. Ang may-ari umano ng kumpanya at ng gusali ay sina Gloria at Mike Arroyo. Nasa tapat ito ng main gate ng La Vista Subdivision, na pag-aari ng pamilya Tuazon ng ina ni Mike. May condo rin sa Burgundy ang mag-asawa, na ginamit ni Gloria na opisina nu’ng Vice President pa siya. Napabalita kamakailan na si Congressman Mikey Arroyo, ang panganay na anak, ang gumagamit ngayon ng unit. Noong patapos na ang termino ni Presidente Gloria, naging target ang gusali ng umano’y pagbomba ng terorista.
Bahagi ang Burgundy Realty Corp. ng Burgundy Group of Companies. Isa sa mga kumpanya sa grupo ang Burgundy Global Exploration Corp. (BGEC). Nasangkot sa alingasngas ang BGEC nu’ng 2005, nang biglang mag-resign si Eduardo Mañalac bilang presidente ng Philippine National Oil Co., isa sa pinaka-mayamang state corporations. Lumitaw na kaya siya umalis ay dahil sa tampo. In-award ng subsidiary na PNOC-Exploration Corp. sa Mitra Energy Ltd. ng Malaysia ang karapatan na mag-explore ng langis at gas sa Camago-Malampaya Field. Tapos, ipinabawi ng Malacañang ang kontrata kay Mañalac. Ipinabalato ito ng Malacañang sa BGEC. Nainis si Mañalac dahil wala namang track record sa industriya ang BGEC, di tulad ng Mitra Energy na pinatatakbo ng mga kilalang British geologists.
E papaano namang hindi mananaig ang BGEC. Ang presidente nito ay ang personal accountant ng mga Arroyo. Mabigat ang kapit!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com