^

PSN Opinyon

"Ihahatid kita sa hukay..."

- Tony Calvento -

MAHIRAP mamatay na hindi mo kapiling ang pamilya.

Higit na mas mahirap kung ikaw ay mamamatay sa ibang bansa na wala man lang isa sa kanila sa iyong tabi.

Ang pinakamahirap para sa mga naiwanan ang maghintay sa isang mahal sa buhay na ilang libong milya ang layo sa inyo at walang katiyakan kung kelan siya makakabalik upang inyong makapiling.

Isipin mo lang na ito’y isang bangkay na nakapasok sa isang ‘drawer’ sa malamig na morgue parang gusto mo ng pasabugin ang iyong ulo.

“Akala ko hanggang tagapakinig na lang ako ng programa ninyo. Hindi ko akalain na ako pala mismo’y lalapit at hihingi ng tulong”, umiiyak na sabi ng isang ginang.

Siya ay si Germilina Arceo 62 taong gulang o mas kilala bilang “Mimie” ng Norzagaray Bulacan.

Marami na ang mga kababayan natin na sa ibang bansa namamatay. Malayo sa pamilya. Hindi manlang naalagaan, nayakap o nahalikan kahit sa huling sandali. Ang tanging hiling nila ay maihatid lamang ito sa kanyang huling hantungan… sa kanyang hukay!

Isa na dito si Leopoldo “Pol” Arceo, 64 taong gulang. Siya ang asawa ni Mimie.

Mahigit isang buwan na ang katawan nito sa ibang bansa at hanggang ngayon ay hindi pa mapauwi.

Taong 1979 pa lang ay nangingibang bansa na itong si Pol. ‘Undergraduate’ siya ng kursong ‘electrical engineering’. Marami na rin siyang napasukang kumpanya sa bansang Saudi Arabia.

Taong 2005 nagsimula siya sa Al Yamama Company. Nadestino siya sa King Fahad Airbase bilang “electrical supervisor”. 

Nagpatuloy ang ganitong buhay ng mag-asawa. Nasanay sila sa ‘long distance relationship’. Sa tawag at sulat umikot ang kanilang pag-iibigan.

“Madalas kaming magtawagan. Napakabait at maalalahanin ang asawa ko. Sigarilyo lang ang bisyo niya”, ayon kay Mimie.  

Mula sa sweldo noon na $250 kada-buwan hanggang umabot ng SR3700 ang kinikita ay nagtiyaga itong si Pol.

Naging maginhawa ang kanilang buhay. Nakapagpundar ng sari­ling bahay, tatlong lupa, kotse at napagtapos ang kanilang mga anak ng kursong ‘Nursing’ at ‘Business Administration’.

Hulyo 2009 nakapagbakasyon si Pol. Buwan ng Agosto bumalik na siya sa Saudi Arabia.

“Love ko kayo, Mommy!”, ang huling salita ni Pol na hindi makakalimutan ni Mimie.

Ika-4 ng Disyembre, tumawag si Pol kay Mimie. Sinabi nito na nahihirapan siyang huminga.

Sobra ang pag-aalala ni Mimie kahit na merong gamot na pang ‘maintenance’ si Pol. Pinayuhan niya ang mister na magpakunsulta sa doktor.

Nagbilin si Pol. “Huwag mong iiwan ang bahay sa Bulacan. Ituloy mo ang business na plano natin”. 

Binati din daw ni Pol ang anak niyang panganay para sa kaarawan nito.

Nagtataka si Mimie kung bakit ganun magsalita ang asawa. Palagi niya itong pinapaalalahanan na uminom ng gamot.

Ika-8 ng Disyembre, may tumawag sa ‘cellphone’ ni Mimie. Nagpakilala ito na si Chris Vasquez. Siya daw ay ang katrabaho ni Pol.

Sinabi nito na nasa ospital na si Pol. Habang nagtatrabaho daw si Pol ay biglang tumaas ang ‘blood pressure’ nito at inatake sa puso. Nung sinakay si Pol papunta sa ospital ay bumubula na ang bibig at hindi na humihinga. Na- ‘comatose’ ito.

Nanghina si Mimie at halos mabitawan ang hawak niyang cellphone. Nabigla siya dahil maayos pa naman niyang nakausap ang asawa.

Tumawag sila sa Afif General Hospital upang alamin kung totoong doon naka-confine si Pol.  Nakausap nila ang isang ‘staff’ ng ospital at bineripika nito na andun nga si Pol. ‘Respirator’ na lang daw ang bumubuhay kay Pol.

Ika-15 ng Disyembre, tuluyan ng binawian ng buhay si Pol. Bandang alas 11:00 ng gabi sa oras ng Saudi.

Ayon kay Mimie, noon pa may high blood na si Pol. Nahihirapan siyang tanggapin ang pagkawala ng mister dahil marami pa silang plano.

Sa katunayan sa ika-11 ng Marso ay babalik na ng Pilipinas si Pol dahil magreretiro na ito. Inaayos na rin nila ang business ng pagbebenta ng mga ‘softdrinks’ sa Bulacan.

“Lahat ng plano namin ng mister ko ay biglang naglaho. Mahirap para sa akin na tanggapin. Mahal na mahal ko siya,” umiiyak na sabi ni Mimie.

Humingi na ng tulong si Mimie sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) upang mapauwi ang bangkay ng kanyang mister sa Pilipinas ngunit wala pa rin daw nangyayari. Nakausap niya si Ms. Mayette Casaysayan at sinabi nito na meron pa daw mga inaayos na papeles.

Nais niya na mapadali ang pagpapauwi sa katawan ng asawa upang makasama naman nila ito kahit sa huling sandali.

Nakapanayam namin siya sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Pinaliwanag namin sa kanya na ang kaso ng kanyang asawa ay hindi naman ‘medico legal case’. Ibig sabihin walang krimen o ‘foul play’ na nangyari sa pagkamatay ng kanyang mister.

Ang maaring dahilan kung bakit naantala ang pagpapauwi ay dahil sa mga ibang mga dokumento tulad ng mga ‘clearance’ tungkol sa pagpapauwi.

“Gusto ko na siyang makita. Sana maipauwi na agad ang bangkay para mabigyan naman ng maayos na libing ang mister ko,” panawagan ni Mimie.

Bilang tulong, kami’y nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Undersecretary Rafael Seguis. Ibinigay namin ang lahat ng impormasyon tungkol dito kay Pol.

Mabilis naman na kumilos si Usec. Seguis at mga taga-DFA. Nakakuha kami ng ‘update’ mula sa kanya. “Mr. Arceo died in Jeddah. Ado Ponciano of the ATN sent the acceptance by the family to PCG Jeddah on 19 December, and informed the family. ATN Riyahd will check with ATN Jeddah again later”. 

Ibabalita at tututukan namin ang kasong ito hanggang mapauwi na ang ating kababayan na si Pol at mabigyan ng maayos na pagluluksa ng kanyang mga mahal sa buhay.

(KINALAP NI AICEL BONCAY )Sa gustong dumulog, ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on Twitter Email: [email protected]

DISYEMBRE

IKA

LSQUO

MIMIE

POL

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with