Hiling na subpoena sa Speaker di-marapat

KABALBALAN ang petisyon ni impeached Chief Justice Renato Corona na i-subpoena ang Speaker sa paglilitis na magsisimula ngayong araw. “Hinaharang lang nila ang pagsimula ng presentasyon ng ebidensiya,” ani Speaker Feliciano Belmonte Jr. tungkol sa balaking pagpuwersa sa kanya na sumipot sa hearing ng hiwalay pero kapantay na congressional chamber. “Hindi ako naniniwalang papatulan ‘yan ng Senado.”

Hiling ni Corona na padaluhin si Belmonte para ipaliwanag ang beripikasyon ng impeachment complaint laban sa kanya. Nais din pasiputin sina House justice committee chairman Neil Tupas Jr., Reps. Jesus Crispin Remulla, Hermilando Mandanas, at Tobias Tiangco, at secretary general Marilyn Yap.

Pinabulaanan ni Belmonte na sapilitan ang pagpirma ng 188 kongresista sa complaint, halos doble ng one-third na kailangan para mag-impeach. Pumirma rin sila ng beripikasyon, walang umaatras, at may 15 pang gustong sumali pagkatapos, aniya. Kung sinasabi man nina Remulla, Mandanas at Tiangco na kulang ang oras nila para pag-aralan ang kaso, ani Belmonte na hindi naman sila pumirma, kaya walang isyu.

Hindi dapat tinatangka ni Corona pag-awayin ang Senado at Kamara, ani Rep. Juan Edgardo Angara, isa sa spokesmen ang congressmen-prosecutors. Naaalala niya na noong impeachment ni President Joseph Esrada nu’ng 2000 ay sinubukan din ng depensa na kuwestiyunin ang beripikasyon ng complaint. Umano noon ay 44 sa 76 na pumirma ay hindi nabasa ang sakdal. Pero iginiit ni noo’y-congressman Joker Arroyo na isinakatuparan ang beripikason sangayon sa mga alituntunin ng Kamara de Representantes. Ngayon nga, ani Joker na senador na, wala nang saysay kuwestiyunin ang beripikasyon.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments