Impeachment

Ngayo’y malapit na ang January Sixteen

Araw na natakda sa Kongreso natin –

Para simulan na paglilitis mandin

Kasong iniharap tawag ay impeachment!

Ang pinaratangan – hepe ng Supreme Court

Sa mga paratang siya raw ay sangkot;

Kung siya’y malinis di dapat matakot

Kung siya ay mali ay dapat managot!

Hangad lang ng pitak – iharap sa bayan

Magkabilang panig walang papanigan;

May dalawang panig sa ating timbangan

Tama ba o mali kanilang katwiran?

Doon sa Senado ay buong-buo na

Itong Impeachment Court na siyang huhusga;

Sa ating Chief Justice kung mali o tama

Sa mga paratang na kanyang ginawa!

Paratang sa kanya ay pinasimulan

Ng ating pangulo sa harap ng bayan;

At ayon sa kanya dapat parusahan

Ating Chief Justice kung may kasalanan!

Ang Chief Justice naman ay hindi natinag

Sa mga paratang na kanyang hinarap;

Pagkat tumpak lamang bawa’t ginaganap

At ayon sa kanya siya ay matapat!

Ang kasong impeachment kaya sisimulan

Si Pangulong Noynoy humarap sa bayan;

Mga bintang niya agad inayunan

Ng sapat na boto ng mga congressman!

Kaya ang paratang sa ating chief justice

Iniakyat agad sa Senate ng Congress;

Nabuo na agad ang court na lilitis

Sa isang Lunes pa – Enero Desesais!

Tiyak na sa korte ay may dalwang panig:

May kontra at pabor sa ating Chief Justice;

Sa kanya’t kay P-Noy panig ay titindig

Ang magwagi sana ay tunay na justice!

Show comments