EDITORYAL - Umaasa sa PAGASA
NASA kamay ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) kung magkakaroon ng pasok o wala ang mga estudyante kapag may mana-nalasang sama ng panahon. Sila lamang ang pagbabasehan at panggagalingan ng balita. Sila ang tanging makapangyarihan kapag may bagyo.
Inilabas ng Malacañang ang Executive Order No. 66 na nag-uutos sa PAGASA na ianunsiyo ang kalagayan ng panahon ng 4:30 ng umaga o mas maaga pa rito. Ayon sa EO 66, kapag Signal No. 1, awtomatikong suspendido ang klase sa preschool level. Kapag Signal No. 2, suspendido ang klase sa high school at Signal No. 3, suspendido na ang klase sa college, graduate school at wala na ring pasok ang mga empleado ng gobyerno. Ang PAGASA ang tanging nakaaalam ng mga signal ng bagyo kaya naniniwala ang Malacañang na magagampanan nito ang tungkulin para mailayo sa kapahamakan hindi lamang mga estudyante kundi ang mamamayan.
Ngayong may kautusan na ang Malacañang ukol sa suspensiyon ng klase, wala na marahil pagtatalo ukol dito. Dati, kailangan pang hintayin ang anunsiyo ng Department of Education (DepEd) ukol sa suspensiyon ng klase. At madalas na nangyayari, atrasado kung mag-anunsiyo ang DepEd kaya ang mga estudyante ay nakapasok na sa school. At ang matindi, kapag nasa school na ang mga estudyante saka naman iaanunsiyo ang suspensiyon. Kaya marami sa mga estudyante ang lalong nahirapan sa pag-uwi sapagkat nag-aagawan sa sasakyan.
Tiyakin naman ng PAGASA ang pag-anunsiyo sapagkat sila ang tanging aasahan. Kailangan din naman na isang tao lang ang mag-aanunsiyo ng bagyo para maiwasan ang kalituhan.
Para magampanan ng PAGASA ang tungkulin, sikapin naman ng gobyerno na mabigyan nang sapat na pondo ang ahensiya upang may maibili ng equipment na magta-tract sa bagyo at susukat sa dami ng ulan. Naniniwala kaming may pag-asa sa PAGASA kung bibigyan sila ng sapat na ayuda.
- Latest
- Trending