^

PSN Opinyon

Sa wakas, tunay na hustisya!

K KA LANG? - Korina Sanchez -

BINAWI ng Office of the Ombudsman ang naunang desisyon na ibasura ang reklamo laban sa ilang miyembro ng Philippine Navy, na idinadawit ng pamilya ni Ensign Philip Pestaño na pumatay umano sa kanilang anak. Sa simula pa ay hindi tinatanggap ng pamilya Pestaño ang paliwanag ng Philippine Navy na nagpakamatay si Philip habang nasa barko. Barko na may dala umanong kontrabando, na ilalantad sana ni Philip. Ang nagdesisyon na ibasura ang reklamo ay walang iba kundi sino pa, si dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Ngayon, sa ilalim ng isang tunay na Ombudsman, si Conchita Carpio-Morales, sumang-ayon sa mga magulang ni Pestaño na si Philip ay pinatay nga, ayon sa pag-aaral at pagsusuri na ginawa ni Carpio Morales sa kaso. Malakas ang ebidensiya na pinatay si Philip Pestaño, at hindi nagpakamatay. Una na rito ay walang marka ng sunog ng baril ang paligid ng sugat ng biktima. Kung tinutok yung baril sa ulo, dapat may mga marka ng sunog yung paligid ng sugat dahil sa lapit ng baril. Ang dinaanan din ng bala sa ulo ng biktima ay pababa, habang ang tinuturo na pinagtagpuan ng bala sa dingding ay pataas! Hindi rin daw tugma ang kalat ng dugo sa unan at kama para sa isang nagpakamatay. At bakit hihiram ng ibang baril si Pestaño, ayon sa isang tumestigo na ngayon ay kakasuhan na rin, kung tunay nga na magpapakamatay na eh may sarili namang baril? Pati na rin ang sulat na iniwan daw ni Pestaño ay hindi niya sulat kamay! Lahat ito, nataong ebidensiya lang daw, ayon kay Merceditas Gutierrez, na hindi sapat para kasuhan ng murder yung mga tauhan na kasama ni Philip sa barko! Nakakahiya naman itong si Gutierrez! Lantaran ang pag-upo sa kasong ito! Lantaran din na may pinaboran! Di kaya    dapat may pananagutan pa rin siya dito? Dahil maliwanag na hindi marunong tumimbang ng ebidensiya?

Kakasuhan na ang 10 miyembro ng Philippine Navy sa pagpatay kay Philip Pestaño. Sa wakas, tunay na hustisya! Ang anim na aktibo pa sa Navy ay sinibak na. Ang isa pa nga ay opisyal sa pinaka-bagong barko, ang BRP Gregorio del Pilar na kelan lang nakuha ng Navy! May isa, tila nagtago na rin katulad ng isa pang militar na nasasangkot sa krimen, Jovito Palparan. Ang isa, patay na raw. Yung dalawa, wala na raw sa Navy. Pero kahit wala na sila, may pananagutan pa rin. Dapat! Pero ang pinakamasama sa kasong ito ay ang pagkunsinti ng pamunuan ng Philippine Navy sa mga nilabas na opisyal na pahayag at katayuan noon na nagpakamatay nga si Philip Pestaño, kahit malinaw sa mga nakalap na ebidensiya na siya ay pinatay. Makikita na naman natin ang pagka-fraternity ng militar. Hindi talaga nila susunugin ang isa sa kanila. Hihintayin ang sibilyan na otoridad na magsampa ng kaso at patunayan na sila’y mga kriminal. Pero kung sila lang ang masusunod, basta’t lahat masaya (nabigyan), kahit krimen pa, okay lang. Patayin na kung sino dapat patayin, kung sino ang hindi makikisangga sa kanila sa krimen, sa kasamaan. Sinibak na nga ang anim, kasi nasa media na. Pero sigurado marami pang mga mas mataas na opisyal sa Navy ang sangkot din sa iligal na aktibidades na gustong ilantad na ni Philip Pestaño! Dapat mahuli rin sila, at managot.

Talagang pasama na lang nang pasama ang imahe ng AFP. Garcia, Ligot, Palparan, ilang mga heneral at opisyal na sangkot din sa mga anomalya ng AFP, at ngayon, yung 10 kriminal ng BRP Bacolod City! Wala na bang marangal na sundalo? Pinapatay o namamatay na lang ba ang mga natitirang may karangalan at prisipyo? Isang malaking sindikato na rin ba ang militar, na kahit sinong presidente ay takot banggain?

NAVY

NTILDE

PERO

PESTA

PHILIP

PHILIP PESTA

PHILIPPINE NAVY

RIN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with