GINIGIBA ng isang alyas Jess Alcover ang pangalan ni Interior Sec. Jesse Robredo sa Calabarzon area. Habang abala si Robredo sa pag-ayos ng kaguluhan sa Caloocan City, sa relief operation ng “Sendong’ victims at iba pang isyu sa PNP, si Alcover ay abala rin sa pag-iikot sa mga iligalista sa Southern Tagalog. Secretary Robredo, kinokolekta ka ni Alcover sa mga sugal-lupa, lalo na sa peryahan sa Calabarzon. Ayaw ni Robredo na makisali sa sugal lupa at nagbanta na siya ukol dito. Itanong n’yo yan sa dating pulis Maynila na si PO3 Ver Navarro at alam niya ang kasagutan. Si Navarro ay sinibak ni Robredo dahil sa paggamit ng pangalan nito sa tong collection activities. Subalit panatag ang kalooban ni Alcover dahil sibilyan siya.
Ang paboritong pasyalan ni Alcover ay ang mga puwesto ng perya queen ng Calabarzon na si Aling Tessie. Makikita ang puwesto ni Aling Tessie sa Candelaria sa Quezon, sa likod ng Jolibee sa San Pablo City, sa Bata-ngas City, sa Lipa City at Talisay sa Batangas. Siyempre, nadadaanan din niya ang puwesto ni Marietta sa Bacoor coliseum. Matigas daw sa Cavite si Alcover at kahit sino, maging mga taga-media ay binabangga. Tingnan natin ang tikas ni Alcover kay Robredo.
Kung matigas si Alcover, aba lalo na si Aling Tessie na retiradong pulis. Mukhang all weather si Aling Tessie dahil kahit sino pa ang hepe ng PNP ay namamayagpag pa rin ang ilegal niyang negosyo. Ito kasing mga peryahan ni Aling Tessie ay may mga color games at maliwanag na bawal ito. At napatunayan na rin ng pulisya na naging ugat ng krimen itong peryahan dahil sa pagnanakaw kinukuha ng mga parukyano ang perang isinusugal sa peryahan. Get’s nyo mga suki?
Hinahamon ko si PNP chief Dir. Gen.Nicanor Bartolome na hambalusin niya ang mga peryahan ni Aling Tessie at Marietta para mapatunayan na hindi siya patong sa mga ito. Si Aling Tessie ay hindi nagalaw noong kapanahunan ni Gen. Raul Bacalzo, dahil ka-probinsiya niya. Kay Bartolome kaya malakas din si Aling Tessie? Abangan!