NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang panawagan ng Department of Labor and Employment (DoLE) hinggil sa ibayong pagsusulong ngayong taon ng “pro-labor measures” o mga epektibong batas at patakaran para sa mga manggagawa.
Pangunahin sa panawagan ng DoLE ay ang pagsasabatas ng “Kasambahay bill” na magtitiyak ng makatuwirang suweldo at benepisyo ng mga kasambahay. Ang naturang panukala, na inendorso ni President Noynoy Aquino bilang priority measure, ay magsisilbi umanong isang landmark legislation hindi lang para sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Ang pagkilala sa mga karapatan ng mga kasam- bahay ay nakapaloob sa “Convention 189 on Domestic Workers” na inaprubahan ng International Labor Organization (ILO) noong nakaraang taon. Layon ng ILO Convention 189 na i-institutionalize ang pagrespeto ng lahat ng pamahalaan sa buong mundo sa karapatan at pag-unlad ng mga domestic worker.
Kabilang din sa panawagan ng DoLE ang pagpapatibay ng mga panukala kaugnay sa “strengthening the rights of workers to self-organization” para sa mas epektibong pakikipagnegosasyon ng mga manggagawa sa mga may-ari ng kompanya hinggil sa kanilang sahod, benepisyo at iba pang karapatan gayundin sa pag-aayos ng anumang di-pagkakaunawaan sa pagawaan.
Isa rin sa iginigiit ng DoLE ay ang ganap at malawakang pagpapatupad sa lahat ng panig ng bansa ng Republic Act No. 10151 (An Act Allowing the Employment of Night Workers) na pangunahing makatutulong sa mahigit 500,000 kababayan na nagtatrabaho sa call center o business process outsourcing (BPO) sector.
Ang naturang mga hakbangin ay pangunahing isinulong mismo ni Jinggoy. Ayon kay Jinggoy, ang sapat na pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga manggagawa ay magbubunsod ng pag-unlad nila, kanilang pamilya, gayundin ng buong bansa.
* * *
Birthday greetings: Senator Ralph Recto (January 14) at Bishop Ted Bacani (Jan. 16)