Hollywood nasa Maynila na!
MAGSISIMULA na ang shooting ng pelikulang “Bourne Legacy”, isang sikat na serye ng sine sa Amerika. Nandito na sa bansa ang mga pangunahing artista na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz. Si Renner ay lumabas sa pelikulang “SWAT” at Mission Impossible: Ghost Protocol”. Si Rachel Weisz naman ay lumabas sa dalawang naunang sineng “The Mummy” at marami pang sikat na pelikula. Siya rin ang asawa ni Daniel Craig ngayon, ang kasalukuyang “James Bond”. Mga sikat na artista nga naman ng Hollywood. Maraming matutuwa sa mga gagawing aksyon na eksena ng sine. Matagal na ring walang ganitong klaseng produksyon sa bansa, lalo na sa Metro Manila. Maganda rin para sa turismo, kung mga magagandang lokasyon din ang ipapakita sa pelikula. Sigurado matutuwa ang maraming Pilipino kapag lumabas na ang pelikulang ito at makikilala ang mga lokasyon kung saan ginanap ang mga eksena.
Madalang pumunta ang Hollywood sa Pilipinas para gumawa ng pelikula. Pero mga sikat naman ang nagagawa dito katulad ng “Apocalypse Now” at “Platoon” kung saan ginamit ang mga gubat ng Pilipinas para magmukhang nasa Vietnam ang pelikula. Pero may hindi rin magandang nangyari nang mag-shooting ang isang pelikula rito. Si Clare Danes na artista ng pelikulang “Brokedown Palace” ay pinintasan nang husto ang Maynila. Nilait at pinandirihan, pati mga nagmamalimos sa kalsada ay pinuna. Kaya ginawa naman siyang persona non grata ng Maynila. Dapat lang.
Pero tiyak magiging problema ang trapik na mangyayari dahil sa pagsara ng ilang mga kalsada para mapagbigyan ang shooting. Dito, may mga hindi rin matutuwa. Pero siguro naman kapag napanood na ang sine, baka makalimutan na ang perwisyong dinulot. Ang mahalaga ay malagay ang Pilipinas na isa sa mga magandang lokasyon para sa pelikula, at maparami ang magdesisyon na dito gawin ang kanilang mga proyekto. Maganda para sa turismo, maganda para sa bansa.
Kung puwede lang sana maging ekstra, ano?
- Latest
- Trending