Ang unang OFW (taga-Leyte-Samar)
NAKAKAGALAK basahin ang librong Heroes and Villains ni Carmen Guerrero Nakpil. Pang-kasaysayan ng Pilipinas, sinulat ito sa pananaw ng kasalukuyan. Halimbawa ang unang chapter, siglo-1500, tungkol sa kauna-unahang overseas Filipino worker, ngayo’y siyam na milyon na.
Taong 1508, bumili ng alipin sa palengke sa Portugal si Ferdinand Magellan. Pinili niya ang matipunong binatilyo, maamo ang mukha, matikas ang tindig. Balat kayumanggi, bihag ito mula sa Moluccas, sa Silangan. Pinangalanan niya itong “Enrique”, at ginawang alalay.
Taong 1519, isinama ni Magellan si Enrique sa expedition ng paghanap ng bagong rutang pa-Kanluran patungong Moluccas. Tatlong barko sila mula sa Spain. Tinahak ang Atlantic Ocean pababa sa dulo ng South America, at tinawid ang Pacific Ocean. Marso 1521 nang, uhaw na uhaw, natanaw nila ang Homonhon, sa ngayo’y probinsiya ng Eastern Samar. Doon, nakipag-usap si Enrique sa mga nakabahag na kalahi. Nagkaintindihan agad sila, at binigyan ng tubig at pagkain. Tapos, sumama na si Enrique sa mga kawika, kapwa-Waray.
Alam natin lahat ang sumunod. Napadpad si Magellan sa iba pang pulo, napalaban kay Lapulapu, at napatay sa Mactan. (Biruan tuloy sa Cebu na tinodas ng ating mga ninuno ang kaun-unahang turistang dayuhan.) Umuwi si Elcano at mga natirang crew ni Magellan sakay ng barkong Victoria. Dumaan sila sa lumang ruta na tumawid sa Indian Ocean at balik sa Atlantic sa gilid ng Africa. Kaya sa bersiyon ng Europe, una raw silang nakapag-circumnavigate ng mundo.
Mali. Si aliping Enrique, isang Malay, ang unang circumnavigator. Galing sa Silangan, dinala siya sa Europe via Indian Ocean, at mula roon ay bumalik sa Silangan via Atlantic-Pacific Oceans, bilang OFW!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending