Natapos din!
ITO na yata ang pinakamatagal na inabot ng prusisyon ng Poong Nazareno. Dalawampu’t dalawang oras bago nakarating muli sa kanyang kinalalagyan sa Quiapo church mula sa Quirino Grandstand! Ayon sa estimate ng PNP, higit 8-milyong deboto ang dumalo at nakilahok sa prusisyon. Dahil dito, mataas din ang bilang ng mga nasaktan sa nasabing selebrasyon. Higit 1,000 ang nabigyan ng pangunang lunas ng mga miyembro ng Red Cross at MMDA. Mga hinimatay, nadaganan dahil sa matinding tulakan, nauhaw, nagutom, mga matatanda na matapang na dumalo pa rin sa prusisyon kahit siguradong hindi kakayanan.
Mga aberya ang naging dahilan nang matagal na prusisyon. Nauna na ang pagkasira ng gulong ng karosa, dahil sa bigat ng mga taong pilit sumasampa. Hindi naayos ang gulong kaya napilitang buhatin ang karosa. Naputol din ang lubid na pinanghihila ng karosa. Marami kasi ang gustong makakuha ng bahagi ng lubid, na pinaniniwalaang may kapangyarihan. Pero napakarami lang talagang tao itong taon. Dahil sa bagal ng pag-usad ng karosa, nagpasya ang pari mismo ng simbahan ng Quiapo na iksian na lang yung ruta para makarating na sa simbahan ang imahe. Pero hindi ito tinanggap ng mga deboto, na nakipagsapalaran pa sa mg pulis na gustong iliko na ang karosa! Ganun ka tindi ang debosyon ng mga deboto sa Nazareno! Kaya hindi rin nagawa ang pagpalit ng ruta. Ayun, inabot ng lampas alas sais ng umaga nang maipasok sa simbahan!
Hindi rin natinag ang mga milyong dumalo sa banta na target ng terorismo ang prusisyon. Ganun pa man,. Ginawa ng PNP at mga lokal na otoridad ang lahat para maging ligtas ang prusisyon. Pinapatay pa nga sa mga kumpanya ng cell phone ang signal sa pumapaligid na lugar ng prusisyon, para ligtas na rin sa mga bomba na maaaring pasabugin ng cell phone. Galing. Natututo na rin tayo.
Pero ngayong tapos na naman ang isang selebrasyon ng Itim na Nazareno, dapat matuto sa mga naganap ngayong taon, para sa mga susunod na taong pagdiwang. Malinaw na masyadong maraming tao ang humarang sa mga kalsadang dinaanan. Dapat gawan ng paraan ito. Malinaw na hindi rin papayag ang mga deboto na baguhin o iklian ang ruta ng prusisyon, kaya dapat isipin kung paano magiging maluwag ang mga dadaanang kalsada. Patibayin na rin ang mga gulong ng karosa! Ito ang isang tradisyon na magpapatuloy hanggang sa mga susunod na siglo, kaya dapat laging nagbabago o pinaghahandaan ng mga organizer ang mga puwedeng mangyaring aberya.
Para mabawasan ang mga nasasaktan, at mabawasan din naman ang tagal ng oras ng prusisyon.
- Latest
- Trending