KAMAKAILAN lang ay isa na namang rape-slay case ang bumulaga sa atin. Ito’y nang isang dalagang tanging inaasahan ng kanyang pamilya ay halayin at patayin sa pamamagitan ng pagpukpok ng bato sa ulo. Mabuti’t may CCTV camera na nakaakto sa insidente kaya madaling nakilala at nasakote ang mga suspek.
Kahit malaki umano ang ibinababa ng kaso ng mga krimen sa bansa, masasabi nating kailangan pa ng ngipin ng Philippine National Police (PNP) sa pagbaka sa kriminalidad. Marahil, dagdag pang visibility ng mga pulis ang kailangan.
Kamakailan, pinuri ng Malacañang ang PNP dahil naibaba nito ang crime rate sa nakalipas na taon. Pero binigyang diin ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa na siya ring itinalagang crime czar ni Presidente Aquino, dapat pang pag-ibayuhin ang kampanya para sa pagkakaroon ng hindi natitinag na peace and order situation sa mga susunod na taon.
“Although the reduction in crime is welcome, this should not be a cause for complacency. The PNP must continue to strive to reduce crime even further, ensure public safety, and maintain peace and order in the country,” ani Ochoa.
Ayon sa PNP na nagpapakita na ang krimen sa buong bansa ay bumaba nang 23.36 porsiyento noong 2011 kung ikukumpara sa sinundang taon. Makikita sa opisyal na datos ng pambansang pulisya na ang krimen noong nakaraang taon ay bumaba sa 248,378 mula sa naitalang 324,083 noong 2010.
Si Ochoa ang namumuno sa Cabinet Cluster on Security, Justice, and Peace at Presidential Anti-Organized Crime Com-mission (PAOCC). Hinimok niya ang 140,000-strong police force na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng tinatawag na “sustainable crime prevention and reduction strategies.”
Sa report ng PNP, bumababa ang average month ly index crime rate gaya ng: 27.52 noong 2009, 18.10 noong 2010, at 13.62 noong 2011. Pero hindi na dapat nangyayari ang mga karumal-dumal na krimen tulad ng nabanggit natin. Naniniwala akong bangag sa droga ang makagaga-wa ng ganitong kahayupan. Paigtingin din ang kampanya kontra droga. Higit sa CCTV cameras, mas importante ang bisibilidad ng pulis para mangilag ang mga gustong gumawa ng kahayupan.